Kongresista, 19 pa ikakalaboso sa over-priced computers

KINASUHAN ng graft ni Ombudsman Conchita Carpio Morales si dating Lapu-lapu City Mayor, ngayon ay Rep. Arturo Radaza at 19 pang local officials ng Lapu-lapu City, dahil sa pagbili ng over-priced personal computers noong 2005.

Kasamang kinasuhan sina City Schools Supt. Serena Uy, dating Bids and Awards Committee (BAC) Chair Vincent Joseph Lim, BAC Chair Teodulo Ybanez, BAC Vice-Chair Fernando Tagaan, Jr., at BAC members Michael Dignos, Victoria Andoy, at Elena Pacaldo.

Pinananagot din sina Technical Working Group (TWG) Head Rogelio Veloso at TWG members Cipirano Flores, Sharon Baguio, Buenaventura Igot, Jerico Mercado at Maribeth Sorono, Administrative Aide III Marita Guiao ng Procurement Section, at Inspection Committee members Cleofe Solis, Leandro Dante, Ernesto Imbong, at Rogaciano Tampus, at isang Jennet Valencia, Manager at Proprietor ng Kein Enterprises (KE).

Base ang kaso sa reklamo ng Coralpoint Educational Foundation, Inc. sa Lapu-lapu City dahil sa pagsasabwatan ng mga akusado sa pagbili ng napakamahal na 470 pirasong computer units para sa national at public high schools ng Lapu-lapu City.

Sa reklamo, inakusahan si Radaza na nag-apruba ng Purchase Request ng Department of Education , Lapu-lapu City Division para bumili ng nasabing computers na  nagkakahalaga ng P50,000 bawat isa o kabuuang P23.5M.

Sa proseso ng bidding, ang KE lamang ang qualified kaya ito ang nakakuha ng kontratang mag-supply ng 470 computer units sa halagang P49,950 bawat isa o kabuuang P23,476,500.

Sa imbestigasyon ng OMB-Visayas, napag-alamang pangit na kalidad ang idiniliber ng KE kumpara sa naka-specified sa Purchase Order.

Napag-alaman din ang kasalukuyang market price ng computers na may parehong specifications ay P23,100 lamang bawat unit o kabuuang P10,857,000 o kupit na P12,619,500.

Malinaw umanong nakipagsabwatan ang respondents sa Ken Enterprises upang makakupit ng malaking halaga.

Agad ipalalabas ang warrant laban sa mga akusado at  P30,000 bawat isa lamang ang babayaran nilang piyansa upang pansamantalang makalaya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply