Korte iniutos na ilipat si GMA sa Veterans Hospital

INIUTOS na ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 Judge Jesus Mupas ang paglilipat kay dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City mula sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City sa loob ng limang araw.

Ito’y makaraang gisahin sa sala ni Mupas ang attending physician ni Ginang Arroyo na si Dra. Juliet Gopez-Cervantes kaugnay sa resulta ng isinagawa nilang pagsusuri sa sakit na colitis ng dating Pangulo kung saan inirekomenda niya ang patuloy na lamang na pag-inom ng intravenous antibiotics at pagsasailalim sa obserbasyon sa loob ng limang araw na puwedeng gawin ng ibang manggagamot.

Kanina ay kaagad iniutos ng hukom sa court sheriff na si Rodelio Buenviaje ang pagsisilbi ng kautusan sa kampo ng dating Pangulo, sa Comelec investigation and prosecution, sa tanggapan ng Department of National Defense (DND) na may kontrol sa VMMC, Department of the Interior and Local Government (DILG) na may kontrol sa kapulisan, Philippine National Police (PNP), Southern Police District (SPD) at sa pamunuan ng St. Luke’s Hospital sa Taguig City upang makapaghanda sa paglilipat ng pagamutan kay Gng. Arroyo.

Ipinaliwanag naman ni Atty. Joel Pelicano, clerk of court ng branch 112 na nagpasiya ang korte na ilipat sa pampublikong pagamutan ang akusado dahil nasa ilalim na siya ng pangangalaga ng hukuman kaya’t hindi puwedeng manatili pa siya sa pribadong pagamutan

Gayunman, hindi aniya makaaapekto ang naturang kautusan sa mga nakabimbin pang mosyon na inihain ng magkabilang panig partikular ang kahilingan ng depensa na maisailalim sa house arrest ang kanilang kliyente.

Sinabi ni Pelicano na sa oras na maipamahagi ng court sheriff kaagad ang naturang kautusan sa mga kinauukulan, posibleng sa Martes ay mailipat na si Gng. Arroyo sa Veterans Hospital.

Idinugtong pa ni Pelicano na bagama’t may ibinibigay na proteksiyon para sa kanyang seguridad ang DILG at PNP, kainakailangan aniyang matiyak ng korte na nasa ligtas na lugar ang akusado at sa tingin ng hukom ay sapat ang seguridad sa VMMC lalo na at dito rin namalagi noon si dating Pangulong Joseph Estrada.

Inakusahan naman ni Atty. Lawrence Arroyo, abogado ng dating Pangulo na isang uri lamang ng panggigipit ang naturang kautusan dahil kahit nasa pribadong pagamutan ang kanilang kliyente ay kontrolado rin naman ito ng gobyerno.

Sa panig naman ng taga-usig, sinabi ni Atty. Maria Juana Valeza, na makatarungan lamang ang inilabas na kautusan ng hukuman lalu na’t nasa ilalim na siya ng pangangalaga ng korte at puwede namang ituloy ang pagpapagamot sa kanya sa pampublikong pagamutan.

Kaugnay nito’y mareresolba lamang ng hukuman ang mosyon ng depensa na humihiling na isailalim sa house arrest ang kanilang kliyente sa oras na makapagsumite na ng sagot ang taga-usig sa loob ng sampung araw at panibagong sampung araw naman ang ibibigay sa depensa upang tugunan naman ang sagot ng taga-usig.

Samantala, inihayag ngayon ni SPD Officer-In-Charge Sr. Supt. James Bucayu na hindi na kailangan pang magdagdag ng kapulisan na magbibigay ng seguridad sa St. Luke’s Hospital sa kabila ng pagbubulgar ni Elena Bautista-Horn na may banta sa buhay ng dating Pangulo na tinawag niyang “Oplan Put the Litttle Girl to Sleep.”

Sinabi ni Bucayu na walang natatanggap na intelligence report ang kapulisan kaugnay sa sinasabing banta sa buhay ng dating Pangulo kaya’t walang dahilan upang magdagdag sila ng kapulisan sa paligid ng nasabing pagamutan.

Gayunman, nagsagawa naman ng mahigpit na pagbabantay at pagbibigay ng seguridad ang kapulisan sa paligid ng Pasay City Hall of Justice habang isinasagawa ang pagdinig matapos na mismong ang doktor ng SLMC ang humiling nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply