Kulang sa pansin (KSP) ni PNoy

APRUB at nagtitiwala kay Pangulong PNoy ang mahigit 70 porsiyento ng mga pinamamahalaan niya, ayon sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.

Tiyak hindi nakasali sa survey ang mga taga-People’s Television Network Inc. o NBN Channel 4.

Umuusok na ang bumbunan ng mga kawani ng nasabing government channel dahil sa galit at pagkadismaya kay Presidente Benigno “PNoy” Aquino III.  “Nanamlay ang pag-asa,” ‘ika nga nila, dahil sa pangako ng Pangulo na patuloy na napapako.

Sa isang liham na napilitan na silang maisulat upang mapansin man lamang ni PNoy ay heto ang sinabi nila: “Kung muling babalikan, sinabi ninyo sa SONA 2011 na “muling bubuhayin at palalakasin ng kanyang administrasyon ang naghihingalong People‘s Television (PTV) Network,” mga katagang nagbigay pag-asa at kasiyahan sa aming mga empleyado ng PTV. Pero heto’t lumipas na po ang maraming buwan, pero tila nakatungangang parang aso pa rin ang kami sa paghihintay sa katuparan ng inyong mga pangakong tila mapapako.”

Dahil Pasko, lalong naramdaman ng mga kapatid natin sa industriya ng media ang pagwawalang-bahala sa kanila ng kanilang “ama.”

Dagdag ng sulat: “Sa ngayon, matapos ang mahigit isang taon ng bagong grupong pinaupo ninyo sa PTNI, patuloy pa ring na nakabinbin ang mga nararapat na benepisyo para sa aming mga empleyado tulad ng mga sumusunod: Pagbibigay ng 13th month bonus at cash gift; Pagbabayad sa overtime fees mula pa sa taong 2009 hanggang sa kasalukuyan; Pag-apruba ng Office of the President sa rice allowance, educational assistance at pabuya para sa mga retirado; Ang hindi pagbabayad ng GSIS Premiums at BIR taxes; at ang hindi pagsweldo ng mga PTNI talents at regular employees sa takdang panahon.”

Sinabi rin sa sulat na dahil sa laki ng utang sa Meralco, posibleng maputulan ng kuryente ang television network. Ano ang ibig sabihin nito? Tigil ang operasyon, tigil ang trabaho at tigil ang suweldo.

“Tila mga simpleng problema lamang ang inihaharap naming sa inyong administrasyon Pangulong Aquino, subalit hindi po biro ang epekto nito sa tulad naming mga empleyado na patuloy na umaako ng sakripisyo, kumakalam ang sikmura at nababaon sa utang para lamang maitaguyod ang kani-kanilang mga pamilya,” sabi sa sulat ng People’s Television Employees Association (PTEA).

Litong-lito na ang mga empleyado ng NBN Network. Hindi nila tiyak kung may plano ba para sa kanila ang administrasyong Aquino o pababayaan na lamang silang mamatay nang dilat ang mga mata.

Ang desperasyon ay nauwi na sa puntong palaban na ang mga empleyado ng government broadcast network. Galit na ang kanilang tono.

“(H)anggang ngayon, ang benepisyong noon pa namin hinihiling sa inyong administrasyon ay siya pa ring mga benepisyong isinisigaw ng PTV employees ngayon. Ibig sabihin, WALA PA RIN PO KAYONG AKSYON SA AMING MGA HINAING AT SA AMING NAKIKITA AT NARARAMDAMAN AY TULUYAN NINYO NA KAMING PINABAYAAN, ANG MGA TAONG MATAPAT LANG NAMANG NAGLILINGKOD SA LAHAT NG MGA NALUKLOK NA PRESIDENTE NG PILIPINAS, DAHIL ITO ANG AMING RESPONSIBILIDAD BILANG MGA EMPLEYADO NG PEOPLE’S TELEVISION NETWORK, ANG INYONG GOVERNMENT STATION.

“Sa ngayon, nawawalan na kami ng tiwala at pasensya sa hirap na inaabot naming sa walang saysay na pangako ng kasalukuyang administrasyon. At kapag ganito ang sitwasyon, mahal na Pangulong Noynoy, minsan, ang natitira na lamang na solusyon upang inyong paniwalaan ang aming sakripisyo at paghihirap ay ANG SAMA-SAMANG PAGKILOS.”

Mga kasama sa Channel 4, asahan ninyo ang suporta ng TRANSPORTER sa inyong pakikipaglaban.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply