Kulungan: Si Gloria ngayon, si PNoy naman bukas

GUMUGULONG ang buhay pulitika sa mahal kong Pinas.

Parang nagkakatotoo ang kasabihang “kung nasa ibabaw ka man ngayon, isang araw nasa ilalim ka rin.

At parang nagkakatotoo rin ang sinasabi ni Erap na weder-weder lang ang pulitika.

Kung nakaupo ka man ngayon sa poder, bukas ay iba naman ang nakaupo sa iyong puwesto.

Ang masama nga lang ay kung may masamang ginagawa ang mga nasa poder.

May reresbak sa kanila.

O kahit wala siyang ginagawa, eh, ginagawan sila ng masama.

Hehehe!

POLL SABOTAGE VS ABALOS

Habang tinitipa natin ito, mga Bro, bumalik si Judge Jesus Mupas, ng RTC Pasay, para malaman kung na-raffle nga sa kanya ang pangalawang election sabotage case na may kaugnayan sa administrasyon ni Aling Gloria.

At totoo nga na sa kanyang sala maaaring diringgin ang kaso na kinasasangkutan ni dating Comelec Chairman Ben Abalos.

May kulong na habambuhay ang sinomang magkakasala rito.

Si Abalos, ilang Comelec officers at dalawang opisyal ng sundalo ang kasama sa kaso na sinabing isinampa dahil sa conspiracy o sabwatan para sa pandaraya sa halalan.

Minsan nang nasa ka-pangyarihan si Abalos at sinasabing bata siya ni Aling Gloria.

ALING GLORIA ANG NAUNA

Siyempre, alam na ng lahat na ang unang tinamaan ng weder-weder na pulitika at gumugulong na buhay ay si Aling Gloria.

Under arrest siya ngayon dahil din sa election sabotage.

Maaaring mailipat na si Aling Gloria mula sa St. Lukes  sa Biyernes upang maging ganap siyang detention prisoner dahil kontrolado ng pamahalaan ang Veterans Memorial Medical Center.

Nag-aantay ang kanyang mga kalaban kung kailan siya maililipat sa kulungan na tulad ng pinagkulungan kay Erap noon.

May naglalakad pa nga ngayon na ikulong si Gloria sa ordinaryong kulungan at hindi sa espesyal na kulungan gaya ng sa Sta. Rosa, Laguna at Camp Crame na pinaglagyan kina Erap at Jinggoy noong una.

SINO ANG SUSUNOD?

Wala pang nakaaalam kung sino-sino ang mga susunod na ma-detain o makulong?

Siyempre, naghuhugas-kamay lagi ang Malakanyang dito.

Ang ituturo nila ay ang mga judge na humahawak sa mga kaso na isinasampa.

Pero ang nagsasampa ng kaso ay walang iba kundi ang nagtuturo kung sino ang dapat na makulong sa anomang dahilan.

Sila yung mga nagsasampa ng kaso ang atat na atat na makulong ang mga nagkakasala umano sa bayan.

‘Di ba, mga Bro?

TRILLANES ET AL IKINULONG

Naalala tuloy natin ang mga nakaraang panahon.

Noong nasa poder si Aling Gloria, ang dami nitong pinakulong.

Kabilang sa mga pinakulong nito si Sen. Antonio Trillanes. Nakalabas lang si Trillanes sa kulungan dahil sa amnesty na ibinigay sa kanila ni PNoy.

Kahit naging senador si Trillanes, nanatili ito sa kulungan.Kudeta, mga Bro, ang ikinaso kay Trillanes at mga kakosa nito at may kulong din na habambuhay.

QUERUBIN, DANNY LIM ET AL

Itong sina Heneral Danilo Lim at Col. Ariel Querubin ay ikinulong din.

Kudeta na may habambuhay na pagkakulong din ang parusa ang ikinaso sa kanila.

May kaugnayan na ito sa nabulgar na election sabotage ni  Aling Gloria at ang mga ito ang kabilang sa maraming pumalag sa madayang halalang 2004.

EXECUTIVE ORDER 1017

Nasa ilalim ng state of emergency ang mahal kong Pinas nang pinaghuhuli sina Lim, Querubin at marami pang opisyal ng militar at pulis na kumontra sa dayaan sa halalan.

Bawal ang kudeta na panlaban sa dayaan sa halalan noon.

Siguro hanggang ngayon bawal pa rin ito. Hehehe!

MEDIAMEN NADAMAY

Sa Manila Pen siege na kinasangkutan ni Trillanes, nasama sa mga hinuli ang mediamen.

Isang bus ang mga kapatid natin sa hanapbuhay na pinigil ng mga pulis at militar at itinuring na suspek sa kudeta.

Nang pinairal naman ang EO1017, pati media ay binalak na busalan nina Aling Gloria.

Natatandaan pa natin ang pag-iisyu ng pulisya ng gabay o guideline umano sa editorial ng lahat ng media.

Hindi na lang mediamen ang gustong pigilin sa hanapbuhay.

Pati ang pamamaraan ng paghahatid ng balita ay gusto nilang kontrolin noon.

CASIÑO, OCAMPO, BELTRAN ET  AL

Ginusto ring ikulong sina Rep. Teddy Casiño, Crispin Beltran, Satur Ocampo dahil umano sa kasong murder.

Tumakbo ang mga ito sa Kamara at nagpagkupkop sila sa liderato ng Kamara noon na naging mabait naman sa kanila ngunit sa ligal na dahilan.

Nang humupa ang kaso, saka na lang sila nakalaya.

PNOY ET AL NAMAN

Sa nagaganap na ito, mga Bro, hindi malayong si PNoy ay ipabibilanggo rin ng susunod sa kanya sa anomang dahilan.

Kung sasabihin niyang wala siyang nagagawang kasalanan, titirahin din siya ng conspiracy dahil sa kagagawan ng kanyang mga kabarilan, kaklase, kabarkada at iba pa.

Eh palapit nang palapit ang 2016 na the end ng kanyang paghawak ng poder. Nakupo.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply