Laptop, cellphone kay GMA di pa pinapayagan ng korte

NILINAW ngayon ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) na hindi pa sila naglalabas ng kautusan hinggil sa pagbibigay ng pahintulot kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na makagamit ng laptop at cellphone sa oras na mailipat siya sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City.

Ayon kay sheriff Rodelio Buenviaje, nilinaw nila ang naturang pahayag makaraang mapaulat na maaari nang gumamit ng naturang gadget si Ginang Arroyo hangga’t hindi nadedesisyunan ang apela ng kanyang mga abogado.

Sa kanyang pagbisita sa VMMC kagabi (Disyembre 5), sinabi ni Buenviaje na ang ipinagkaloob na pahintulot sa dating Pangulo na paggamit ng cellphone at laptop ay hanggang nasa pangangalaga lamang siya ng St. Luke’s Medical Center (SLMC) at hindi sa oras na mailipat na siya sa VMMC.

Wala pa aniyang inilalabas na kautusan ang korte kaugnay sa hirit ng mga abogado ng dating Pangulo na payagan siyang gumamit ng cellphone at laptop sa VMMC upang magampanan ang tungkulin bilang kinatawan sa Kongreso ng ikalawang distrito ng Pampanga.

Si Buenviaje ay bumisita sa VMMC batay sa kautusan ni Judge Jesus Mupas ng Pasay RTC Branch 112 upang alamin kung puspusan ang ginagawang pagkukumpuni sa presidential suite na tutuluyan ni Arroyo.

Umaasa naman si Atty. Laurence Arroyo, isa sa anim na abogado ni Gng. Arroyo na matatapos na ang pagsasa-ayos ng bath tub at pagpapalit ng hindi madulas na flooring sa banyo ng presidential suite bago pa man ang itinakdang paglilipat dito ng kanilang kliyente sa Biyernes (Disyembre 9).

Nauna nang inihayag ni Atty. Arroyo na nasa maayos ng kondisyon na ang dating Pangulo at nakapaglalakad na sa kanyang silid.

Unti-unti na rin aniyang nagliligpit ng iba pang mga personal na gamit si Gng. Arroyo bilang paghahanda sa kanyang paglipat sa VMMC sa Biyernes.

Samantala, kaninang umaga ay inisnab ni Ang Galing Party-list Rep. Mikey Arroyo ang mga miyembro ng media nang magtungo sa SLMC para dalawin ang kanyang ina na nakaratay pa sa naturang pagamutan.

Hindi nagpaunlak ng anumang panayam si Mikey at kaagad na pumasok sa loob ng naturang ospital pagbaba sa kanyang sasakyan.

Bukod kay Mikey, nagdatingan din upang dumalaw kay Gng. Arroyo ang ilan niyang mga kaanak, kaibigan at dating mga miyembro ng Gabinete.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply