LRT, MRT libre sa mga lalahok sa volunteer run ng PRC sa Linggo

MAGKAKALOOB ng libreng sakay ang Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) sa mga lalahok sa idaraos na Philippine Red Cross Million Volunteer Run at ng Tahanang Walang Hagdan Access 2020 Race to Success na gaganapin sa Linggo (Disyembre 4) sa mga pangunahing lugar sa Metro Manila.

Kailangan lamang na isuot ng mga kalahok ang pulang t-shirt na ipamamahagi ng Red Cross upang makasakay ng libre sa LRT at MRT mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-9:00 ng umaga sa Linggo.

Ang mga kalahok naman na mula sa Tahanang Walang Hagdan na pawang mga may kapansanan ay bibigyan ng mabilis na daan sa MRT 3 mula Cubao hanggang Taft at LRT line 1 mula Edsa hanggang UN Avenue.

Inaasahan na magiging malaking pagtitipon ng mga kalahok ang isasagawang aktibidad na target ang isang milyong volunteer runners mula sa iba pang panig ng bansa.

Sinabi ni Transportation Secretary Mar Roxas na nagagalak sila na maging kabahagi ng Red Cross sa pag-organisa ng naturang aktibidad na gigising sa bawa’t Filipino upang maging makatao.

Isa rin aniya sa kanilang mandato, tulad ng Red Cross ay ang tumulong sa mga biktima ng kalamidad at tiyakin na maging ligtas ang bawa’t mamamayan sa kanilang pagbibiyahe at sa iba pang rescue operations.

Suportado naman ng Tahanang Walang Hagdan Race to Success ng National Organizing Committee kung saan miyembro naman ang Department of Transportation and Communications (DOTC).

Ang mga interesadong lumahok sa naturang event ay maaaring tumawag sa Fund Generation Department ng Red Cross sa numero +632-404-0979, o email sa anacletz.bandril@redcross.org.ph.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply