Mabahong komunidad

TUWING sasapit ang Pasko, maraming ilaw ng tahanan ang namomroblema sa hindi nahahakot na basura sa kanilang mga lugar. Ang dapat sanang malinis at amoy pinipig na hanging amihan ay napapalitan ng mabahong amoy dahil sa mga basurang hindi naitatapon sa tamang basurahan o lugar.

Isa na rito ang Towerville sa Gaya-gaya, San Jose del Monte, Bulacan kung saan ang karamihan ng nakatira ay dating taga-Quezon City at na-relocate sa nasabing lugar. Maayos na sana dahil kahit paano ay may nasisilungan na ang mga inalisan ng tahanan sa mayamang lungsod subalit ang hindi kaaya-aya ay ang hindi regular na paghahakot ng mga trak sa naipong basura.

Base sa reklamo ng mga residente, dati-rati ay sinisingil sila ng P20 ang bawat bahay sa loob ng isang buwan subalit makalipas ang isang buwan ay tumigil na ang mga naghahakot sa pagkuha ng basura sa kadahilanang hindi umano sapat ang P5 kada linggong upa para sa mga basurero at bayad sa trak.

Upang mawala ang sakit ng ulo ng mga nakatira kaugnay sa problema sa basura, pumayag na sila na gawing P10 bawat sako ng basura na mahahakot sa isang bahay. Naging maayos ang kalakaran kung saan kinukuha ang basura bawat linggo.

Ngayon, bigla na namang tumigil ang mga trak ng basura sa paghakot dahil may ilang basurero na ayaw nang magtrabaho o tumigil na sa pagpasok dahil kumikita lang umano ang mga ito ng P100 bawat araw na pagtatrabaho.

Sa madaling salita, pera na naman ang dahilan. Hindi na naman sapat ang ibinabayad ng mga residente na P10 sa bawat sako ng basura.

Kailangang itaas na naman ang bayad para sa isang sako ng basura? Aba’y sobra-sobra namang kagulangan ito. Mahihirap ang mga taong nakatira sa nasabing lugar kaya nga nagtitiis sa lugar matapos silang ilipat ng pamahalaan dahil nga sa kakulangan ng pera. Kung may pera ba ang mga nakatira sa nabanggit na lugar, sa palagay kaya natin, magtitiis ang mga iyan sa lugar na mahirap na ang tubig, wala pang sapat na suplay ng kuryente at mabaho pa?

Konti namang konsiderasyon mula sa gobyerno. Baka naman puwedeng aksyunan ito bago ang iba’t ibang pulitika na kinahaharap na wala namang kapararakan o tila pagpapabango lang ng ngalan at pagpapogi ng imahe.

Dapat unahin ang kaayusan at kapayapaan ng isang pamayanan upang maging maayos ang takbo nito na magiging salamin naman ng pamahalaan.

Kung hindi ito kayang isaayos ng National Housing Authority, ng pamahalaang bayan ng San Jose del Monte at pamahalaang panlalawigan ng Bulacan, Department of the Interior and Local Government na ang makialam para na rin sa kabutihan ng bawat pamayanan.

Ireklamo lang ng PAKUROT sa Caloocan City Government ang kalokohan ng ilang basurero ng trak na humahakot ng basura sa Sunriser Village sa Barangay Llano. Nanghihingi ang mga ito ng barya sa nag-aabot sa kanila ng lalagyan ng basura at kapag walang maibigay, sa susunod na hakot nila ng basura ay lalampasan nila ang basura ng hindi nag-aabot ng barya.

Hindi ba pamahalaang lungsod ng Caloocan ang nagbabayad sa mga ito? Bakit kailangang manghingi sila ng barya sa bawat bahay na kinukuhanan nila ng basura gayung ang komunidad na nabanggit ay nai-turn-over na sa Caloocan City government.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply