Mag-ingat sa pagbili ng mga laruang pangregalo

ITO ang payo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga magulang, gayundin ang mga ninong at ninang, na inaasahang mamimigay ng mga regalo sa kanilang mga anak at mga inaanak sa araw ng Pasko.

Ayon kay CBCP media office director Monsignor Pedro Quitorio III, dapat tiyaking ang bibilhing mga laruan para sa mga bata ay hindi magsisilbing masamang impluwensiya para sa kanila.

Sinabi ni Quitorio na dapat magsilbing censor ang mga magulang sa pagpili ng mga laruan para sa mga anak.

Hindi aniya mabuting pangregalo sa mga bata ang mga laruang nagpapakita o nagmumulat sa mga bata ng karahasan tulad ng mga baril-barilan o kaya’y ‘angry toys,’ na tila tumutukoy sa nauusong mga laruan ng ‘angry birds.’

Giit ng CBCP official, ang pagreregalo ay may kaugnayan sa Pasko, na ang diwa ay tungkol sa ‘love’ kaya ang marapat aniya ay magbigay ng regalo na nagpapakita ng pag-ibig at pagmamahalan.

“…If it (gifts) enhances anger, that is not good,” ani Quitorio.

Para naman kay Legazpi Bishop Joel Baylon, chairman ng Episcopal Commission on Youth ng CBCP, sa halip na laruang baril at iba pang mararahas na laruan, ay mas mainam kung mga libro at educational gifts ang ibigay sa mga bata upang higit nila iyong mapakinabangan.

Paliwanag ni Baylon, dapat isipin din ng mga magulang at ng mga ninong at ninang ang magiging epekto ng mga laruang kanilang ibibigay sa mga bata.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply