Mag-utol na paslit patay sa sunog sa Las Piñas

HANGGANG sa kamatayan ay hindi napaghiwalay ang magkapatid na paslit nang matagpuan ang kanilang bangkay na magkayakap sa loob ng nasunog nilang bahay kaninang madaling-araw sa Las Piñas City.

Bagama’t hindi nasunog ang mga katawan, hinihinalang namatay sanhi ng pagkakalanghap ng makapal na usok ang magkapatid na Eloisa Mae, siyam na taong gulang at Marc Elvis Bialza, pitong taon, matapos lamunin ng apoy ang kanilang bahay sa Lorenzo Compound, Barangay Talon Uno, naturang lungsod.

Nakaligtas naman bagama’t sugatan sanhi ng mga paso sa bahagi ng kamay at paa ang ina ng dalawang biktima na si Marilou Bialza na kasalukuyan pang nakaratay sa Las Piñas General Hospital.

Sa pagsisiyasat ni SFO3 Gerardo Porli ng Las Piñas Fire Department, posibleng sanhi ng naiwang nakasinding kandila ang dahilan ng sunog matapos aminin ni Gng. Bialza na may sinding kandila sa unang palapag ng kanilang tirahan subalit ang alam niya ay pinatay niya ito bago siya matulog.

Natutulog na sa ikalawang palapag ang mag-iina nang makarinig ng malakas na kalabog sa ibaba si Marilou dakong 12:30 ng madaling araw at nang bumaba siya ay nilalamon na ng apoy ang unang palapag ng bahay.

Nakita naman ng ilang kapitbahay ang magkapatid na umiiyak at humihingi ng saklolo subalit hindi makalabas ng bintana dahil napapalibutan ito ng rehas na bakal.

Napag-alaman na isang overseas Filipino worker (OFW) ang ama ng mga bata at kasalukuyang nasa ibayong dagat nang mangyari ang trahedya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply