Mahigit 7,000 Pinoy nakapiit sa 66 na bansa

MAHIGIT sa 7,000 Filipino ang nakakulong sa 66 bansa, batay sa ulat ng 92 Department of Foreign Affairs (DFA) posts sa buong mundo.

Inihayag ni Aurora Rep. Juan Edgardo Angara na base sa DFA ay may kabuuang 7,209 na Pinoy ang nakakulong o may nakabinbing kaso sa iba’t ibang korte sa anim na kontinente sa mundo hanggang Disyembre 2010.

Kabilang sa mga Pinoy na nakapiit sa ibayong dagat ay ang 35 Pinay na nagsilbi umanong drug mules sa Peru; sa Tanzania, Africa na may walong Pinoy; Syria – 27; China – 157 dahil sa kasong drug trafficking kung saan 60 ang nahatulan ng death penalty.

Ang 7,209 ay mula sa 495 pahinang dokumento ng DFA kung saan nakatala ang nasa 2,856 “Filipinos in distress” noong 2003.

Sa naturang bilang na may klasipikasyon na “in detention, o house arrest o may pending cases sa korte” mula Hulyo hanggang Disyembre 2010, ay 4,250 ang lalaki habang 2,913 ang babae.

Mahigit sa kalahati o 2,555 ng 7,209, ang na-convict at nagsisilbi ng kanilang sentensiya.

Subalit, pinangangambahan na tataas pa ang mako-convict dala na rin sa pagkakaroon ng 1,060 Pinoy ang naghihintay ng kanilang kaso sa korte o may klasipikasyon na “awaiting trial” o “on trial” o “under investigation.”

Samantala, naghahanda na ang House committee on overseas workers affairs para sa maibigay ang tulong sa pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) na nakatakdang bitayin bukas (Disyembre 8) sa China dahil sa pagpupuslit ng droga.

Ayon kay Akbayan Rep. Walden Bello na siya ring chairman ng komite na makikipag-ugnyan sila sa Ehekutibo para mabigyang suporta ang pamilya ng OFW na bibitayin habang inirerespeto din nila ang privacy ng mga ito.

Hindi aniya pababayaan ng pamahalaan ang pamilya ng Pinoy at kasalukuyan na rin silang naghain ng resolusyon sa Kamara upang imbestigahan ang pagkalat ng mga drug syndicate at ang pagpasok ng mga OFW sa ganitong iligal na gawain.

Nanawagan naman si Cagayan Rep. Jack Enrile sa gobyerno na pag-ibayuhin ang pagtulong sa OFW upang hindi na maulit ang muling pagbitay bukas sa isang Pinoy sa China.

Banggit pa ng kongresista na hindi sapat ang pagkilos ngayon ng gobyerno kundi iminungkahi niyang maglagay ng legal assistance desks at 24-hour legal aid hotlines sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas upang tugunan ang hinihinging tulong ng mga may kasong OFW partikular yaong nahaharap sa bitay.

“This is clearly an indication that there is something wrong with the program and something needs to be done by the government to protect its own people – many of whom were forced to leave their families while they search for work and better opportunities abroad,” giit ni Enrile.

Si Enrile ay may nakabinbing panukala ukol sa pagtatalaga ng legal aid desks sa mga embahada ng Pilipinas na tumatakbo ng 24 oras.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply