Mas masamang balita at galit sa rapist ng kalikasan

MALAPIT nang matapos ang taong 2011. Isang tulog na lamang 2012 na.

May mga magagandang balita na ating nasagap at mayroon namang masasama. Pero alam ba ninyo ang naghari?

KAGULUHAN SA PULITIKA

Grabe ang naganap na kaguluhan sa pulitika. Akalain ba nating pati ang Korte Suprema ay niyayanig ng mga nag-aaway-away sa pulitika?

Dahil sa mga awayan at walang puknat na siraan, nakalilito na ang nagaganap.
Sino-sino ba ang dapat na paniwalaan?

KARMA ANG DUMARATING

Ewan natin kung bakit nagkandaloko-loko ang buhay ng milyon-milyong mamamayan.

Mantakin mo, habang nag-aaway-away ang mga pulitiko, andiyan naman, mga Bro, ang pagragasa ng mga kalamidad.

Daan-daan at libo-libo ang namamatay dahil sa delubyo at milyones ang naiiwang hirap na hirap sa buhay. Hindi tuloy alam ng mga kawawang biktima kung paano pa sila makababangon sa buhay.

Hindi kaya kinakarma ang bayan dahil sa pag-aaway-away ng mga lider ng bansa sa halip na magkaisa upang paglingkuran ang sambayanan? Diyos ko po!

UZI TEXT
Text ng mga UZIserong buwisit na sa sistema.

GALIT SA RAPIST NG KALIKASAN

Good morning, Sir Benny.

Puna ko lang po. Sa tuwing may kalamidad, may mga nagsisisihan at nagtuturuan kung sino ang may sala o responsibilidad. Kawawa lang po kaming mga mahihirap na nagdurusa.

Nasaan ang mga lumapastangan sa kalikasan ng mundo? Walang naparurusahan. Lalo tuloy dumarami ang kalamidad.

Dapat na sigurong magunaw ang mundo para maging parehas ang mayayaman at mahihirap.

Galit po ako sa mga lumalapastangan sa kalikasan na ibinigay sa atin.

Masugid po akong mambabasa, Sir Benny, ng inyong kolum. Ako po’y isang guwardiya, ng Sucat, Muntinlupa City. +63906180….

PAGLILIBING

Good pm, Sir Benny. Bakit dito sa amin sa Sitio Boso-Boso,  Antipolo City ay hindi binibigyan ng Conditional Cash Transfer?  Maraming salamat po. Concerned citizen. +63946405….

MGA PUNO INUUBOS

Dito sa amin sa Nueva Ecija, halos maubos na ang mga puno ng akasya, santol at sampalok. Iba rito. ‘Di pa ako tao, puno na ang mga ito at inabutan ko na ang mga ito. Ngayon, ang mga batang punong mangga naman ang tinitira nila.

Ewan ko kung taga-saan ang mga illegal logger na mga ito. Namimili sila ng puno sa amin.

Walang ginagawang aksyon ang mga kinauukulan. Natatakot ako na isang araw, gumanti ang inang kalikasan.

Sa mga nanunungkulan, nakatatakot ang magreklamo dahil hindi ka naman pakikinggan.
Kapag may nakaalam na nagreklamo ka, ipapapatay ka dahil kontra ka sa kanila.

Nakatatakot. Nakikita natin ang ganti ng kalikasan. Paulit-ulit na mangyayari ito hangga’t walang matino na mamumuno at mangangalaga sa ating kalikasan. +63915981….

MAYABANG NA TSUPER

Mayabang ang may dala ng WPY 781 na Toyota Revo Akala mo, kanya ang kalsada.
Nag-counter flow sa Blumentritt, Manila malapit sa Barangay ni Chairman Corpuz. Dapat kariton ang dalang sasakyan noong driver. Mayabang! +63946435….

ILLEGAL LOGGING NG TAGA-DENR

Dapat nang itigil ang illegal logging ng mga taga-DENR sa buong kapuluan. Nangyari na sa Ormoc City ang kalamidad na bunga nito at ngayon na naman ay ang mga lugar na binagyo ni Sendong.

ULTIMATUM, hindi ang bagyo ang dahilan ng sobrang pagbaha at pagguho ng lupa kundi ang pagkawala ng mga kahoy sa ating kagubatan. Ako ay naiiyak sa si-napit ng ating mga kababayan na namamatay, nawawalan ng ari-arian at kabuhayan tuwing may unos.

Ang pagputol ng mga kahoy dahil sa Illegal Logging ang sanhi ng matinding baha at pagguho ng mga lupain.

Ang mga kahoy ay nagbibigay ng kontrol at protek-syon tuwing may malakas na ulan at tubig. Ang kahoy ang nagbibigay-tibay sa mga lupa at hindi ito basta mabubuwal o guguho.

Ang pagkasira ng ating kalikasan ang dahilan ng  pagkakitil ng mga buhay. EHP, CAR-+63920823….

PABORITISMO SA PAMASKO

Dito po sa amin sa Brgy. 310, Sta. Cruz, Manila sa ilalim ni Chairwoman Thelma Lim and Council, ‘di maganda ang nagaganap. ‘Yung pamaskong tiket ay ibinibigay lang nila sa kanilang mga kakilala at bata-bata.

Nasaan ang diwa ng Pasko? ‘Yun pang may mga pera ang pinagbibigyan nila.

Garapalan ang tawag doon dahil kapag kalaban ka, wala kang karapatan na kumuha ng tiket. Namimili sila ng pagbibigyan ng tiket. +63946435….

UNDERPAYMENT WALA PA RIN

Good afternoon, sir. Merry Christmas and a Happy New Year.

Sir, natapos na ang Pasko wala pa rin yung maliit na pera ko na inaasahan ng pamilya ko. Isa akong pensioner na may underpayment mula sa Finance Center. Dito nagmumula
ang aming tseke.

Pudpud na ang tsinelas ko sa kababalik-balik ko roon pero puro pangako lang ang ibinibigay na wala namang katuparan.

May differential kami at increase noong 2010, pero hanggang ngayon, wala pa rin ang mga ito.

Sir, hirap na hirap na ako ukol sa sarili kong pera. +63939858….

o0o

Ano mang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply