Mas matinding kalamidad dapat paghandaan

KUNG ang opinyon ng mga eksperto ang pagbabasehan, dapat lang na tigilan na nang mga opisyal ng ating pamahalaan ang walang katapusang bangayan at pamumulitika.

Sa halip ay dapat paghandaan na nila ang papatinding epekto ng climate change sa buhay at pamumuhay ng mga mamamayan.

Base kasi sa prediksyon ng mga eksperto ay sisiw lang ang mga naranasan nating mga kalamidad na dulot ng mga bagyo gaya ng Ondoy, Pedring at Sendong sa mga mararanasan pa natin sa darating na panahon.

Sabi nga ni Lucille Sering, vice chairperson ng Climate Change Commission na pinamumunuan mismo ni Pangulong Benigno Aquino III, mas matinding mga pag-ulan, pagbaha at maging tagtuyot pa ang daranasin natin sa darating na mga taon.

Kung ang mismong mga eksperto na sa climate change na gaya ni Sering ang nagsasalita dapat lang sigurong makinig na ang mga na-mumuno sa gobyerno at paghandaan na ang darating na mga problema ngayon pa lang.

Sa totoo lang ay hindi mo na kailangang maging kagaya ni dating US Vice President Al Gore para maintindihan kung ano talaga ang nangyayari sa bansa at iba’t ibang panig ng mundo na patuloy na binabayo nang mga kalamidad na dulot ng kalikasan.

Mas maswerte pa nga ang mga tao sa panahong ito dahil may mga teknolohiya na tayo para malaman ang nangyayari at mangyayari pa lang sa kalagayan ng panahon at klima sa mundo.

Pero balewala ang mga makabagong teknolohiya kung patuloy naman nating sisirain ang likas na yaman na bigay sa atin ng Diyos, sa pamamagitan ng walang habas pagputol ng kahoy sa mga kagubatan at pagbubuga ng maruming usok sa kapaligiran.

Lumalabas sa pagaaral ng mga eksperto na umabot na sa mahigit P150 bilyon halaga nang mga pananim, infrastructures at ari-arian ang nasira dulot ng mga kalamidad nitong nakaraang limang taon.

Hindi pa kasama sa pigurang iyan ang libo-libong nawalan ng mga buhay at naglahong pag-asa at pangarap na hindi maaring tumbasan ng halaga ng salapi.

Sa madaling salita, panahon na para tigilan ng mga namumuno sa bansa ang walang katapusang awayan sa pulitika.

Sa halip ay dapat mag-umpisa na silang magtrabaho para paghandaan at malabanan ang mga darating pang panganib na dulot ng global warming at climate change.

At magagawa nila ito kung ang mga pulitiko mismo ang magpapahinto ng walang humpay na panggagahasa sa kalikasan at matuto silang isipin ang kapakanan ng mga mamamayan.

Huwag na sanang maulit pa ang Sendong na kung saan ay napakaraming mga pinutol na kahoy ang inanod ng baha mula sa bundok patungo sa mga lungsod na siya ring dahilan ng pagkamatay ng napakaraming mga tao.

Ang mga pinutol na kahoy na iyon ang nagsilbi ring ebidensya para malaman ng buong mundo kung ano ang ginagawang paglapastangan ng mga pulitiko at mga negosyante sa kabundukan na naging dahilan para gumanti ang kalikasan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply