May tinitingnan, may kinikilingan (2)

SA kaso ng torture sa Asuncion Police Precinct, Maynila kung saan isang lalaking nakahiga sa sahig ang nangingisay dahil sa hirap na inabot sa kamay ni Sr. Insp. Joselito Layug, ang  pulis na itinuturong siyang may kagagawan ng pangmamaltrato sa preso, ay mabilis na nabigyang resolusyon. Natanggal sa serbisyo si Binayug noong Enero, 2011 at sinasabing nagtuturo na sa isang pribadong paaralan sa Maynila.

May kinahaharap na kaso sa Manila Regional Trial Court si Binayug, kanyang superior na si Supt. Rogelio Rosales Jr., ang noo’y hepe ng Manila Police District-Meisic Police Station kung saan nakulong ang biktima ng torture, at ilan pang mga kasamahan nilang pulis. Kamakailan ay nagpalabas na ng warrant of arrest si Judge Tita Bughao Alisuag ng MRTC Branch 1 kaugnay sa kasong torture at pagpatay sa preso.

Pinatawan naman ng parusang pagkakasuspinde ng 11 araw si Dir. Leocadio Santiago, noon ay director ng National Capital Region Police Office, dahil sa palpak na pagsasalba ng mga pulis sa hostages sa Luneta siege. Mabilis na naresolba ang kanyang kaso subalit nakabinbin pa rin sa National Police Commission ang kaso ng mga pulis na inakusahang nagkulang at dapat managot sa pangyayari.

Makikita natin sa dalawang kaso na pawang halos magkasabay na nalathala sa mga pahayagan at natunghayan sa mga telebisyon na magkaiba ng atake ang ginagawa ng pamahalaan. Mabilis ang naging pagdinig sa kaso ni Binayug samantalang sa ngayon ay wala nang naririnig sa kaso ng mga sangkot sa Luneta Siege.

Si Binayug ay sinampahan ng kasong administratibo at kriminal habang kasong administratibo lang ang kinaharap ng sangkot sa siege. Dahil ba ito sa may kinatigan ang pamahalaan? Ayaw nilang masangkot ang talagang dapat managot?

Ibig  bang  sabihin nito, may tinitingnan at tinititigan talaga ang hustisya? O talagang nakapiring lang at pinagbabasehan lang ang kanilang naririnig? Kung ganoon, bingi ang katarungan sa bansa dahil wala silang naririnig. Marami ang nagsasalita, nagbibigay ng komento pero walang napakikinggan.

oOo

Nais ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan  ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari  kayong magtext sa 09215175814 o mag-email sa Santi _lean11-@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply