Mga pagawaan, tindahan ng paputok sinuyod ng BFP

DAHIL malapit na ang kapaskuhan, sinimulan nang inspeksyunin ng Bureau of Fire Protection ang lahat pagawaan at tindahan ng paputok sa Bulacam kaugnay pa rin sa kautusan ni Interior and Local Government Secretary Jesse M. Robredo sa pagpapaigting ng Oplan “Ingat Paputok.”

Kanina ay sinuyod ng Task Force “Ingat Paputok” sa pangunguna ni BFP Region 3 Director C/Supt. Ariel A. Barayuga kasama sina Deputy Chief for Operations S/Supt. Absalon L Zipagan, S/Insp. Jaime D. Robles at Provincial Fire Marshals, ang mga pagawaan at mga tindahan na nagbebenta ng paputok partikular sa Bulacan, upang masigurong sinusunod ang ipinatutuad na fire safety standards at kung may mga lisensiya mula sa Bureau of Licensing Permit.

Ani Robredo, mahigpit niyang inatasan si Barayuga na siguruhing sumusunod ang mga establisimiyento sa umiiral na probisyon sa ilalim ng Implementing Rules and Regulations ng RA 9514, kilala ring Revised Fire Code of the Philippines of 2008.

Maliban dito tututukan din ng task force kung marunong gumamit ng fire extinguishers o tubig at buhangin para mapigilan ang apoy ang mga trabahador ng pabrika at tinadahan ng paputok.

Kanila ring sisiguruhin kung may mga nakapaskil na “NO SMOKING” sign sa mga lugar; pagbabawal sa pagluluto sa labas ng kabahayan kung saan may mga bagay na madaling masunog, pagbawal sa pagbebenta ng paputok sa mga bata at abisuhan ang mga establisimiyento sa paglalagay ng “NOT FOR SALE TO CHILDREN” signs.

Dapat ding ipaalam agad sa pulisya kung may mga pagawaan ng paputok na nasa 300 metrong layo mula sa mga kabahayan.

Kasabay nito maglulunsad din ng sabay-sabay na truck motorcade ang BFP sa mga pangunahing lansangan sa rehiyon upang maabisuhan ang mga mamamayan na umpisa na ng Oplan “Ingat paputok.”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply