Mga Pinoy scientist sa abroad nais pabalikin ng DOST

UPANG mapalakas ang antas ng siyensa at pananaliksik sa bansa, ilulunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang “Balik Scientists Program” na layong mapabalik ang mga Filipinong siyentista at iba pang eksperto na nasa ibayong dagat.

Ito ang inihayag ni Science and Technology Secretary Mario Montejo sa paglulunsad ng Philippine Genomics Center kamakailan sa Makati City.

Ang “Genomics” ay isang uri ng siyensa na nakatutok sa pag-aaral sa “genomes” o ang kumpletong “set of genes” sa isang organism. Maaaring baguhin ang pagkakasunod ng “genes” sa isang genome na magagamit sa aplikasyon sa medisina, agrikultura, pangingisda, paghahayupan, at iba pa.

Sinabi ni Montejo na ang “Genomics” ang siya ngayong “flagship program” ng DOST dahil sa kakayahan nito na magbigay ng maraming biyaya sa tao kapag naging matagumpay ang pananaliksik.

Upang maisakatuparan ito, sinabi ni Montejo na kinakailangang mapabalik sa bansa ang mga mahuhusay na siyentista, informatics experts, at mga inhinyero na nasa ibang bansa upang dito naman sa Pilipinas mapakinabangan ang kanilang kakayahan.

Pamamahalaan ng mga ito ang mga proyekto ukol sa “Genomics” at magtuturo sa mga lokal na iskolar sa siyensa.

May nakalaan na mga insentibo ang DOST sa mga aakiting mga siyentista upang mapabalik ang mga ito sa bansa sa pagbibigay ng pondo sa naturang programa. Susuportahan rin ng DOST ang mga programa ukol sa “genomics” ng Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development, Philippine Council on Health Research and Development, at Philippine Council on Agriculture Aquatic and Natural Resources Research and Development.

Partikular na popondohan ng DOST ang mga pag-aaral sa “genomes” ukol sa pagsugpo sa dengue, tuberculosis, AH1N1, kanser, mga sakit sa baga at diabetes.

Kasama rin ang pananaliksik sa genomics sa mga pananim, pangingisda, at paghahayupan. Kasalukuyang nakatutok ang DOST sa pagpapataas sa antas ng mga breed ng bangus, tilapia, paglaban sa mga virus at ibang mga peste na nakakaapekto sa abaca at saging sa Mindanao.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply