Migrante pinag-iingat ang OFWs sa Bahrain

HINILING ng grupong Migrante na maglabas ng babala ang Embahada ng Pilipinas sa Manama, Bahrain para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na pag-ingatan ang kanilang sarili matapos ang naganap na pagsabog sa isang pampublikong lugar sa naturang bansa noong Sabado (Disyembre 3).

Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante Middle East, kailangang mabalaan ng embahada ang mga OFW sa Bahrain na maging maingat sa pagtungo sa mga pampublikong lugar upang hindi madamay kung magkaroon man ng hindi inaasahang kaguluhan.

Magugunita na kinumpirma ng Interior Ministry ng Bahrain ang naganap na pagsabog nitong Sabado kung saan itinanim ang bomba sa isang nakaparadang mini bus sa parking area na malapit sa British Embassy.

Nararapat aniyang paalalahanan ng embahada ang mga Pinoy na limitahan lamang ang kanilang pagkilos lalo na ang pagtungo sa matao at mga pampublikong lugar upang hindi madamay kung muling maulit ang nangyaring pagsabog.

Matatandaan na nitong Mayo lamang ng kasalukuyang taon ay inalis ng Bahrain Royal Palace ang paglalagay nila sa kanilang bansa sa state of emergency na naging dahilan upang ibaba naman ng embahada sa alert level 1 na babala mula sa alert level 2.

Sa oras na inilagay ng embahada sa alert level 1 ang kategorya sa isang bansa, nangangahulugan na maigting ang pagsasagawa ng pagmo-monitor sa sitwasyon habang ang ketogorya naman sa paglalabas ng alert level 2 ay inaabisuhan na ang mga naninirahang Pinoy na iwasan ang pagpunta sa maramihang pagtitipon o kilos protesta o boluntaryo ng lisanin ang naturang bansa kung wala naman silang dahilan para manatili pa rito.

Sa pagtaya ng grupong Migrante, umaabot na sa 60,000 ang mga OFW na kasalukuyang nagtatrabaho pa sa Bahrain.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply