Mindanao nasa full alert

INILAGAY na ng Philippine National Police (PNP) sa full alert status ang Mindanao kasunod ng serye ng pagkakarekober ng mga improvised explosive device (IED) sa South Cotabato at Maguindanao.

Ayon kay PNP spokesman chief Supt. Agrimero Cruz, Jr., inatasan na ni PNP chief Gen. Nicanor Bartolome ang pulisya sa lugar na tukuyin ang mga pinaglagyan ng nasabing mga bomba na sinasabing kasama sa 20 mga IED na balak pasabugin sa Koronadal City at ilang mga lugar sa Region 12.

Ayon kay Cruz, inatasan na rin ang lahat ng mga police regional offices gaya ng Region 9, 10, 11, 12 at maging sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Layunin umano nito na matiyak ang seguridad lalo na at hindi umano malayong mangyari na paglagyan din ng bomba ang lugar na kanilang nasasakupan.

Pinaniniwalaan na kasama ito sa 20 bomba umano na ginawa ng grupong Special Operations Group ng Moro Islamic Liberation Front na ibinenta kay Kumander Basit Usman, ang team leader ng local recruit sa teroristang Jemmaah Islamiyah (JI).

Samantala pananabotahe ang nakitang motibo ng kapulisan sa lalawigan ng South Cotabato sa apat na narekober na bomba sa dalawang bayan.

Matatandaan na dalawang bomba ang iniwan sa highway ng Barangay Magon bayan ng Tantangan at dalawa naman sa gilid ng eskwelahan sa bayan ng Polomolok na agad namang na-detonate ng mga EOD Team.

Ayon kay Police Senior Supt. Randolf Delfin, police provincial director ng South Cotabato, posibleng ibang grupo ang may kagagawan sa pag-iwan ng bomba pero iisa lang ang signature ng mga bomba na gawa ni Basid Usman.

Hanggang sa ngayon nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad matapos lumabas ang grupo ng Bangsamoro Independence Movement (BIM) na diumano ang may kagagawan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply