MMDA hugas-kamay sa trapik sa Roxas Blvd.

HUGAS-KAMAY ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa nangyaring pagkakabuhol-buhol ng  trapiko sa kahabaan ng Roxas Boulevard sanhi ng paggiba sa footbridge sa area ng Baclaran kaninang umaga sa Parañaque City.

Nanggagalaiti sa galit ang mga motoristang naipit sa haba ng pila ng sasakyan kaninang umaga matapos isara ang bahagi ng Roxas Boulevard sa Baclaran nang walang maagang abiso mula sa MMDA dulot ng paggiba sa konkretong footbridge gamit ang malalaking kagamitan na inihambalang sa lansangan.

Umabot ng hanggang Kabihasnan sa boundary ng Las Piñas at Parañaque City ang pila ng mga sasakyan sa Coastal Road na patungong Maynila habang ang pila naman ng mga sasakyan patungong Coastal Road ay umabot na sa Libertad St. sa tapat ng gusali ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Bagama’t walang abiso, sinisi naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagsagawa ng paggiba sa naturang footbridge dahil noon pa dapat bago mag-Pasko dapat isinagawa ang paggiba.

Napag-alaman na ipinasya ng DPWH na gibain ang konkretong footbridge matapos matuklasan na hindi na ito ligtas na maging tawiran sanhi ng pagiging marupok ng pundasyon.

Gayunman, nagtataka ang pedestrians at motorista kung bakit nahirapan ang DPWH na gibain ang footbridge kung talagang marupok na ito at kinakailangan pa nilang magdala ng mga heavy equipment at isara ang lansangan para tuluyang magiba.

Kanina ay napuno ng sasakyan ang kahabaan ng Macapagal Avenue dahil dito itinaboy ng traffic enforcers ang lahat ng mga sasakyang daraan sa Roxas Boulevard.

Naibsan lamang ang masikip na trapiko pasado alas-10 ng umaga makaraang tuluyang magiba ng heavy equipment ng DPWH ang marupok nang footbridge.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply