Motorized skates sinabotahe, biyuda patay

HINIHINALANG sinabotahe ang operasyon ng motorized skates sa Camarines Sur nang madiskaril ang gulong nito sanhi ng pagsalpok sa isang malaking batong ikinasa sa mismong dinadaanang riles at mabagok ang ulo ng isang ginang at masugatan ang mahigit 25 pang pasahero kagabi.

Dead on the spot sanhi ng malaking putok sa ulo si Zarina Vernadero Abadilla, 38, ng Barangay Malaypayawan, Milaor, CamSur.

Karamihan naman sa iba pang biktima ay nagtamo lamang ng minor injuries at pinauwi rin matapos magamot sa pinagdalhang ospital.

Hindi naman matukoy ng pulisya kung sino ang naglagay ng malaking bato sa misong riles ng tren kaya nadiskaril ang gulong ng naturang motorized skates mula sa riles.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong 7:25 kagabi sa riles ng tren sa Barangay Concepcion Pequena.

Bago ito, sinasabing minamaneho ng isang Randy Galpe Paloma ang motorized skates na may lulang 30 pasahero at binabaybay ang riles ng tren sa nasabing barangay patungo sa bayan ng Milaor.

Dahil may kadiliman, hindi napansin ni Galpe na may inilagay na isang malaking bato sa mismong riles kaya nang masagasaan ito ay nahulog ang mga sakay na pasahero.

Minalas na mahulog din si Abadilla na nakaupo sa unahang bahagi ng motorized skates at tumama ang ulo sa bakal na riles na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Sa imbestigasyon ng PNP-Naga Station 1 lumalabas na ang sanhi ng aksidente ay ang malaking bato na pinaniniwalaang sinadyang ilagay sa mismong riles na nagresulta sa malagim na trahedya.

Nabatid na usong-uso ngayon sa CamSur na sakyan ang motorized skates dahil bukod sa mabilis ito at hindi naiipit sa trapiko ay mura pa ang pamasahe.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply