Mundo lumiliit na sa puganteng Koreano

LUMILIIT na ang mundo ng isang Korean national na nakapuga sa dalawa nitong bantay mula sa Bureau of Immigration (BI) sa St. Luke’s hospital sa Taguig City noong Bisperas ng Pasko.

Ayon sa mga beteranong operatiba ng kawanihan na tumangging pangalanan, naikasa na nila ang lambat upang muling masakote si Kim Tae Dong, 54, at pinaghahanap ng batas sa South Korea.

Kabilang na rito ang pakikipag-usap sa mga pinuno ng Korean community sa Pilipinas at sa mga taong huling nakausap ni Kim habang nagpapagamot sa nasabing ospital dahil sa sakit sa tiyan, diabetes at hypertension.

Itinanggi rin ng mga operatiba na nakalabas na ng bansa si Kim gamit ang ibang pangalan.

“Hindi magtatagal ay babagsak sa kamay ng batas ang pugante. Tinatrabaho na namin ito kahit na magba-bagong taon,” paniniyak pa ng isang operatibang sampung taon na sa kawanihan.

Anila, nag-iwan ng bayarin sa St. Lukes ang pugante na nagkakahalaga sa mahigit P1 milyon simula nang dalhin sa nabanggit na ospital noong Agosto.

Ikinuwento naman ni BI Intelligence chief Ma. Antonette Mangrobang kung papaano natakasan ni Kim ang dalawang jail guard.

“Pinakain at pinainom daw sila bandang 3 to 4 pm. Nakatulog sila tapos nung nagising sila ng bandang 7 pm wala na yung binabantayan nila,” pahayag pa ni Mangrobang.

Gayunpaman, hindi binanggit ni Mangrobang kung ang pugante ang nagbigay ng pagkain o ibang tao, at kung naka-posas sa kama si Kim habang binabantayan ng mga guwardiya.

Sinuspinde na rin ni Commissioner Ricardo David Jr. ang dalawang guwardiya habang nagsasagawa ang kawanihan ng malalimang imbestigasyon.

Si Kim ay nahaharap sa kasong pandaraya, kasama na ang siyam na kakutsaba, sa larong baccarat sa Seoul, South Korea noong 2010. Umabot sa kabuuang US$8M ang natangay ng mga akusado sa kapwa manlalaro ng baraha sa tatlong insidente noong Enero 3, Enero 23 at Disyembre 23, 2010 sa Walkerhill Hotel sa Seoul.

Matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Dongbi district court, tumakas sa South Korea ang dayuhan at nagtago sa Pilipinas noong Abril.

Nahuli ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit (FSI) si Kim noong Hulyo 5, 2011 sa Ortigas Center, Pasig City. Sa nasabing operasyon, nag-alok din si Kim ng P200,000 sa operatiba ng kawanihan subalit mariin iyong tinanggihan ni Uso Dan Salasim, ang dating hepe ng BI-FSU.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply