Nagpatakas sa 3 Chinese sa kulungan sinibak na

INALIS na sa puwesto ang jail officer na nagpatakas sa tatlong Chinese na nakakulong sa Parañaque City Jail dahil sa iligal na droga.

Ani Jail Management and Penology (BJMP) Chief Rosendo Dial, ang pagtakas  ng tatlong Chinese sa Parañaque City Jail kahapon, Disyembre 10 ay malaking dagok para sa kanila lalo’t nakuha mismo ng kanilang CCTV camera si Jail Officer 1 Richard Sillatoc na tumulong na makatakas ang mga preso.

Kitang-kita pa aniya ang galaw ni Sillatoc sa CCTV kahit pinatay ang ilaw sa 4th floor.

Pasado alas 3:00 Sabado ng madaling-araw nang bumaba si Sillatoc para kunin ang susi at pagbalik, umakyat agad sa rooftop para buksan ang gate.

Ilang sandali ay sinundo ng jail officer ang tatlong preso na isa-isang lumabas paakyat ng rooftop saka dumaan sa likod ng kulungan papunta sa isang barracks sa ground floor.

Para mapalitan ang bantay sa main gate, nakita sa camera ang pagsira ni Sillatoc sa cable converter ng isang telebisyon.

Dito niya tinawag ang isa pang guwardiya na isang on-the-job trainee pa lang at isa pang nasa main gate para ayusin ang telebisyon.

Habang abala ang dalawa, dito na nakahanap ng tiyempo si Sillatoc na patakasin ang tatlong preso.

Sa inisyal na imbestigasyon, isang oras bago ang pagtakas ay pinakain  ni Sillatoc ang dalawang guwardiya na nagbabantay sa main gate ng bulalo na hinihinalang may halong kemikal kaya nahilo ang mga ito at nagdesisyong umalis sa binabantayang selda.

Dahil sa nangyari, isasailalim na ng BJMP sa masusing background check ang kanilang mga empleyado at maghihigpit na rin anila sila lalo na sa pagkain.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply