‘No return, no exchange’ policy bawal kahit sa tiangge– DTI

MAHIGPIT na ipinagbawal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante maging sa mga nagti-tiangge na may kakaharaping kaso at multa kung mapatutunayang nagpapatupad ng “no return, no exchange policy” sa kanilang mga produkto ngayong papalapit ang Kapaskuhan.

Sinabi Trade Undersecretary Zenaida Maglaya, na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang “no return no exchange policy” sa lahat ng uri ng pamilihan kasama na ang mga tiangge. Bawal din umano iyong ipinatutupad ng ibang tindahan na “return within seven days” kung depektibo ang nabiling produkto.

Ipaliwanag ng DTI na dapat sundin ang nakasaad sa warrant period ng isang produkto.

Ang warranty ay ang kasunduan ng mamimili at nagtitinda na maaaring ibalik, isauli at ipakumpuni ang nabiling produkto kung matutuklasan na depektibo ito sa oras nang binili.

Kung wala namang warranty, nakasaad sa Consumers Act of the Philippines na binibigyan ng 60 araw ang isang mamimili upang ibalik ang kanyang nabiling produkto kung depektibo ito.

Ngunit nilinaw ng DTI na hindi maaaring basta na lamang ibalik ang isang produkto kung ang mga dahilan ay: nagbago ng isip sa bibilhin; hindi kasukat ang nabili; o hindi gusto ang kulay.  Sa mga naturang pagkakataon, maaari naman umanong daanin na lamang sa pakiusapan.

Pinayuhan ng DTI ang mga mamimili na itabi ang resibo ng kanilang mga pinamili. Maging mga tiangge umano ay kinakailangan na mag-isyu ng resibo sa kanilang mga kustomer. Kung wala namang ibinibigay na resibo, maaaring gumawa na lamang ng kasulatan ng mga nabili at papirmahin ang tindera.

Kung may kaukulang reklamo sa mga mapang-abusong negosyante ngayong Kapaskuhan, maaaring tumawag sa DTI hotline number 751-3330.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply