Obispo: Sina PNoy, Corona lang ang makakaayos ng gusot nila

IGINIIT ng isang obispo ng Simbahang Katolika na hindi silang mga obispo ang makakaayos sa sigalot sa pagitan ng sangay ng ehekutibo at hudikatura, kundi mismong sina Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III lamang at Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona mismo.

Kasabay nito, umaasa si Digos Bishop Guillermo Afable na aayusin ng dalawang mataas na opisyal ng bansa ang problema sa kanilang pagitan para sa kapakanan ng mga mamamayan.

Pinayuhan rin ng Obispo si Pangulong Aquino at Corona na ayusin ang kanilang trabaho at pamumuno sa bansa sa kapakinabangan ng higit na nakakaraming mahihirap.

Naniniwala si Afable na may kani-kanyang layunin ang dalawa upang pagsilbihan ang lahat ng mamamayang Filipino.

Umaasa rin ang obispo na ikokonsidera at pakikinggan ng dalawang opisyal ang hinaing ng taumbayan na sobrang nahihirapan na kaysa magbangayan na walang mabuting idudulot sa bansa.

Sinabi rin ni Afable na sa kanilang Diocese ay hindi pinag-uusapan ang girian ng dalawang mataas na opsiyal dahil ang pinagtutuunan ng pansin ng mga tao ay kung paano matutugunan ang nararanasang kahirapan.

Ikinalulungkot ng obispo na sa kabila ng katotohanang laganap na ang kahirapan sa halos lahat ng lalawigan sa bansa ay abala ang dalawang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan sa kanilang girian.

Nauna rito, nagpahayag ng kahandaan ang ilang obispo na maging mediator o tagapamagitan upang magkaayos na sina Pangulong Aquino at Corona.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply