Ona kumambiyo sa batikos ng homosexuals

NILINAW ni Health Secretary Enrique Ona na walang katotohanang pinayuhan niya ang mga magulang na ipasuri ang kanilang mga “homosexual” na anak upang matukoy kung positibo ang mga ito sa HIV/AIDS.

Ang paglilinaw ni Ona ay kasunod ng mga batikos na kanyang natanggap mula sa Lesbian, Gay, Bisexual, and Transgender (LGBT) Community.

Sinabi ng Kalihim na mali lamang ang naging interpretasyon ng ilan sa kanyang naging pahayag sa pagdalo sa isang pagpupulong patungkol sa Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) noong isang Linggo.

Nilinaw din nito na ang kanyang sinabi lamang ay ang pangangailangan na maging sangkot ang pamilya mismo sa paglaban sa HIV/AIDS.

Una nang binatikos ng iba’t ibang grupo mula sa LGBT Community ang “anti-gay statement” ni Ona.

Sinabi pa ng Kalihim na dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng AIDS sa bansa ay patuloy ang kanilang mga kampanya laban rito kasama na ang pribadong sektor at lokal na pamahalaan.

Pinipilit aniya nila sa ngayon na magkaroon ng balanse sa limitadong pondo na mayroon sila dahil hindi lamang naman sa AIDS sila maaaring tumutok kundi maging sa iba pang mga programang pangkalusugan ng departamento lalo na para sa mga mahihirap at marginalized sektor.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply