P2 fare hike iginiit ng transport groups

IGINIIT kanina ng transport groups sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nararapat lamang aniya na ibigay sa kanila ang hinihirit na karagdagang  P2.00 fare hike sa jeepney sa Metro Manila, Southern Tagalog, at Central Luzon (Huwebes).

Ayon kay Efren de Luna, Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) habang dinidinig pa aniya ang kanilang petisyon sa dagdag pasahe dapat na aniyang ipatupad  ng board ang .50 centavos na fare hike na ibinigay nila noong bumaba ang presyo ng petrolyo.

Giit ni De Luna, 2006 pa nang magtaas sila ng pamasahe at P26.00 per liter pa ang prices ng diesel noon kada litro, subalit ngayon ay nasa P48.00 na kada litro ng diesel subalit ang pamasahe ay hindi pa rin nagbabago P8.00 pa rin sa unang 4 na kilometro.

Sagot naman ni Board Member Atty. Manuel Iway, kailangang magsumite ang mga transport group ng Financial Statements, Income Statement at iba pang supporting documents upang suportahan ang kanilang petition of fare hike na nagpapatunay na hindi sapat ang kanilang kinikita.

Sa panig naman ng 1-United Alliance Transport Alliance (1-UTAK) ang umbrella organization ng transport groups iginiit nito na dapat din ipatawag at pagpapaliwanagin ng board ang Department of Energy, Department of Trade and Industry, Land Transportation Office at Bureau of Investment upang magbigay din ng kanilang position para magamit na batayan kung dapat ba o hindi na magtaas ng pamasahe.

Tinutulan din ng mga oppositor ang fare hike dahil ang taong bayan anila ang maapektuhan sa bandang huli kung matuloy ang fare hike sa jeepney.

Tiniyak naman ni LTFRB Chairman Jaime “JJ” Jacob na idadaan nila sa tamang proseso ang isyu bago magbigay ng win-win decision ang board upang maging katanggap-tanggap sa lahat ng sektor lalo na sa transport groups.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply