Paano ba tayo babati ng Meri Krismas ngayon?

HINDI maganda ang pakiramdam natin sa Paskong ito.

Wala man tayong sakit ngunit may lungkot tayong nadarama.

Paano ka nga naman hindi malulungkot kung pawang disgrasya at kamatayan na lamang ang ating nababalitaan at ibinabalita?

oOo

Habang tinitipa natin ito, kinakalkal pa ng search and rescue group ang ilang bangkay sa 10 namatay sa disgrasya ng sasakyan sa  Brgy. Mambog, Antipolo City.

Nagbanggaan sa lugar ang isang malaking trak at isang owner type jeep. Namatay agad ang walo sa mga biktima habang namatay sa ospital ang dalawa pa.

Bukod sa banggaan, inararo pa ng nawalan ng preno na trak ang kabahayan kaya ganun karami ang namatay.

oOo

Naganap ang malagim na disgrasya sa Antipolo sa kasagsagan ng paghahanap ng mga kababayan natin ng iba pang mga bangkay ng mga biktima sa delubyo sa Cagayan de Oro City at Iligan City.

Bukod sa mga natabunan ng putik, may mga bangkay pang lumulutang-lutang sa karagatan sa nasabing lugar.

Gayundin na tinatangisan pa ang marami ring namatay sa Negros Oriental at ilang katao sa Cagayan Valley na nadisgrasya rin sa bagyong Sendong at siyam-siyam na ulan.

oOo

Siyempre pa, kasabay ng kalungkutan ang ating mga pag-iisip at pagkilos sa abot ng  ating makakaya para tumulong sa mga biktima.

Isinasabay na rin natin ang taimtim na panalangin na sana’y mapag-aralan nang husto ang mga sanhi ng mga sakuna sa halip na basta tanggapin na lang ang mga ito na gawa ni Bathala.

Mahirap isisi kay Bathala ang mga sakuna. Mahirap isisi sa iba ang mga pangyayaring nililikha ng mga ganid at pabaya sa pamahalaan.

Meri Krismas pa rin sa inyong lahat!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply