Pagbagsak ng eroplano iniimbestigahan na

INIIMBESTIGAHAN na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pagbagsak ng light aircraft na kumitil sa buhay ng 13-katao matapos bumulusok sa mga kabahayan Parañaque City nitong Sabado.

Pinangunahan nina CAAP Director General Ramon Gutierrez at Capt. Amado Soliman ng Aircraft Accident Inquiry Board ang pagsusuri sa mga parte ng bumagsak na eroplano, partikular ang makina na hinihinalang nagkaroon ng sira na naging dahilan ng pagbagsak.

Aalamin din sa pagsisiyasat ang kumalat na impormasyon na hindi purong aviation gas ang ginamit sa paglipad ng naturang eroplano kaya’t nagloko ang makina nito ilang minuto matapos lumipad mula domestic airport  patungo sana sa San Jose, Mindoro.

Nabatid na hindi lamang ngayon nangyari na may bumagsak na eroplanong pag-aari ng isang Arthur Velasquez at tumatayo bilang operator ng Aviation Technology Innovators Inc. kundi may ilang pagkakataon na nasangkot na ang kanilang maliliit na eroplano sa mga aksidente dahil sa  hindi maayos na pagmamantine.

Tiniyak naman ni Parañaque Mayor Florencio Bernabe, Jr. na pananagutin ang may-ari ng naturang eroplano sa nangyaring trahedya dahil tiyak  na nakasiguro ang mga eroplano na kanilang magagamit upang panagutan ang pangyayari.

Bukod sa mga namatay, tinatayang aabot sa mahigit 50 kabahayan ang naabo matapos bumulusok dito at nag-apoy ang eroplano na nadamay din ang kalapit na F. Serrano Elementary School sa Barangay Don Bosco.

Kahapon ay magkatuwang naman na pinagkalooban ng tulong ng lungsod at Philippine National Red Cross ang mahigit 80 pang pamilya na pansamantala pa ring nanunuluyan sa Annex 35 covered court.

Tiniyak ni Bernabe na pagkakalooban nila ng ilang construction materials ang mga residenteng nawalan ng tirahan upang muling makapagtayo  ng kanilang mga bahay sa lugar na kinabagsakan ng eroplano.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply