Paglipat ni GMA sa VMMC pipigilan ngayon

NAKATAKDANG dinggin ngayon ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang inihaing motion for reconsideration ng kampo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para pigilan ang naunang kautusan na ilipat ang dating Pangulo sa isang pampublikong ospital.

Sa ngayon ay umaasa ang kampo ng mga Arroyo na pagbibigyan ng Korte ang kanilang hiling na ipagpaliban muna ang paglilipat sa kanya sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City.

Mahalaga umanong manatili muna ang dating Pangulo sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City para sa tuluy-tuloy na paggaling ng sakit niyang colitis.

Samantala, nakatakda ring magsumite ngayon ng resolusyon ang mga kaalyado sa Kamara ni Ginang Arroyo upang payagan siyang gumamit ng laptop at cellphone sa VMMC.

Ayon sa mga mambabatas, kailangan ng dating Pangulo ng kanyang telepono at computer para magampanan niya pa rin ang kanyang mga responsibilidad bilang isang kongresista sa Pampanga.

Naghanda rin ng isa pang resolusyon ang miyembro ng minorya para isulong ang “house arrest” para sa dating Pangulo.

Ayon kay Quezon Representative Danilo Suarez, umaasa silang sasang-ayunan din ito ng mga miyembro ng mayorya sa Kamara.

Giit ni Suarez, huwag sanang kalimutan ng Korte na miyembro pa rin ng Kongreso si Ginang Arroyo. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply