Pagpapasibak kay Senator Enrile, tumitindi pa

TUMITINDI pa ang init sa kumakalat na balitang pagsibak kay Senate President Juan Ponce Enrile upang makamit ang mithiin ng Palasyo na mapatunayang nagkasala si Chief Justice Renato Corona sa Impeachment trial na gaganapin sa susunod na taon.

Nitong Huwebes, mahigpit na pinanindigan ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na hindi sila bibitiw sa pagsuporta kay Enrile kasama sina Senador Gregorio Honasan at Vicente Sotto III laban sa kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III na nagkukumahog maging Senate president ulit.

Sa kabila  nito, mahigpit na pinabulaanan naman ni Sen. Panfilo Lacson ang paratang na may namumuong pagkilos upang patalsikin si Enrile na itinuring niyang “kaning’baboy” ang panukala.

Sinabi ni Lacson na nakakapagduda kung gugustuhin ni Pangulong Aquino na pilitin ang Senado na mahatulan si Corona sa pamamagitan ng pagsibak kay Enrile upang matiyak ang conviction ng chief justice.

Idinagdag pa ni Lacson na walang katotohanan ang balitang binabraso ng Palasyo ang mga senador upang ma-convict si Corona dahil karamihan sa mambabatas ay hindi nabibili.

“It is unfair to every senator to even speculate on the matter of recruitment in relation to the impeachment. A great majority of us in the Upper Chamber are not for sale. That I can say with authority,” giit niya.

Umusbong ang hinala na magkakaroon ng kudeta sa Senado nang magkasama-samang magpa-party ang walong senador sa pangunguna ni Senador Franklin Drilon na pawang lider ng Liberal Party ni Pangulong Aquino.

Kasama ni Drilon sa naturang party ang mga kaalyadong sina Senador Francis Pangilinan, Ralph Recto, Teofisto Guingona III, Serge Osmeña, Aquilino Pimentel III, Antonio Trillanes IV, at Lacson.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply