Pagtaas ng presyo ng langis magpapalungkot ng Pasko

HINDI magandang aginaldong pang-Pasko ang desisyon ng mga kumpanya ng langis ang pagtataas ng presyo ng produkto nila.

Ito ang hinaing ng isang militanteng mambabatas na ang partikular na tinutukoy ay ang Pilipinas Shell, Petron Corp. at Chevron Philippines.

Sinabi ni Gabriela Party-list Rep. Emmi de Jesus kanina na masakit sa bulsa ang itinaas na 80 sentimos kada litro ng unleaded gasoline at 85 sentimos kada litro ng regular gasoline.

Ito umano ay pinalala pa ng patuloy na pagbagsak ng ekonomiya ng bansa na hindi napapansin ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III dahil mas inaasikaso pa ang mga away-pulitika.

Hindi umano napupuna ni Pangulong Aquino na kailangan nang taasan ang suweldo ng mga manggagawa.

Totoo umanong nagdagdag ang gobyerno ng P22 bawat araw ngunit sinabi ni De Jesus  na ito’y maituturing na “consuelo de bobo” lamang.

Kung hindi umano mapipigilan ang pagtatas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay sasabay dito ang mga pangunahing bilihin. Sa ganitong pagkakataon umano ay ang mahihirap ang naaapektuhan.

Ani De Jesus, nagsumite na siya ng House Bill 4704 na ini-exempt sa value-added tax (VAT) ang mga pangunahing pangangailangan, pangunahing bilihin at ang mga produktong petrolyo.

Pagpapasa umano sa nasabing batas ang pinakamagandang pamaskong maaaring ibigay ng Kamara de Representantes sa mga Filipino.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply