Pagtataas sa PhilHealth contribution ng OFWs kinondena

NANAWAGAN si Batangas Rep. Llandro Mendoza kay Pangulong Benigno Aquino III na ipabawi ang desisyon ng PhilHealth Corporation na itaas ng 100 porsiyento ang premium o kontribusyon ng milyong overseas Filipino worker.

Nauna nang ibinunyag ni Mendoza, miyembro ng House committee on health na pagpasok ng 2012 ay bubulagain ng PhilHealth ang mga OFW sa pagtataas ng insurance premium ng mga ito matapos magkaroon ng direktiba na madaragdagan ang kontribusyon ng mga OFW.

Batay sa Circular No. 22-11 na inisyu sampung araw bago ang Pasko, ang OFW ay minamanduhang magbayad ng kanilang premium sa PhilHealth ng mula sa kasalukuyang P900 ay magiging P1,200 ngayong Enero subalit sa kalagitnaan ng taon ay madodoble ito o magiging P2,400.

“Malacanang should stop PhilHealth from playing Scrooge to the unsung heroes of Philippine economy.  Circular No. 22-11 only  serves as a spoiler to the Christmas spirit of generosity and selfless concern for others,” giit ni Mendoza.

Ayon sa mambabatas, hindi makatarungan ang magkaroon ng dobleng pagtataas sa kontribusyon ng mga OFW nang walang kaukulang konsultasyon.

Kung malinis at tapat aniya ang layunin ng PhilHealth na makapagsilbi sa tao ay hindi ito mag-aaktong halimaw o suwapang sa bayad lalo pa’t ang pagkukunan ay ang pinaghirapan ng mga OFW na nagtiis mawalay sa pamilya kumita lamang.

Kinatigan ni Mendoza ang apela ng mga non-government organization na kinabibilangan ng mga OFW na ibasura ang PhilHealth circular hangga’t hindi nakapagsasagawa ng tamang konsultasyon.

“We cannot continue to be insensitive to the plight of the poor in these times when many are growing hungrier by the day and hundreds are dead and thousands were rendered homeless by the recent typhoon,” sabi pa ni Mendoza.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply