Palasyo sa kampo ni GMA: ‘Huminahon lang’

PINAYUHAN ngayon ng Malakanyang ang kampo ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na huminahon at maging kalmado lang.

Nag-aalburuto na kasi ang mga abogado at tagapagsalita ni Ginang Arroyo dahil sa atrasadong paglilipat sa dating Pangulo sa Veterans’ Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City.

Inihayag ngayon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na hindi dapat na mabahala ang kampo ni Gng. Arroyo.

Sinabi ni Valte na huwag sanang gawing “Airport Drama 2” nina Arroyo ang senaryo dahil hindi naman sila inaapi.

Ani Valte, nag-iingat lamang umano ang pamahalaan kaya’t binubusisi ang “mode of transport” upang maiwasang hindi maakusahang nagkukulang sa seguridad sa gitna ng sinasabing banta sa buhay ni Gng. Arroyo.

“Huminahon po tayo, kalma lang, wala pong delay,” ani Valte.

Ipinaliwanag din ni Valte na hindi na kailangan ang “go-signal” ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa paglilipat dahil nakadepende na ito sa Philippine National Police.

Umalma rin Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo sa mga patutsada ng kampo ni Gng. Arroyo na idini-delay ang paglilipat para makatipon pa ang mga anti-gloria protesters.

Buwelta ni Robredo na sana ay iwasan na lamang ang naturang mga ispekulasyon at sa halip ay pagtuunan ng pansin ang seguridad at maayos na paglilipat.

Nanawagan din ito kina Elena Bautista-Horn, tagapagsalita ni Mrs. Arroyo na kumalma lang dahil may isang buong araw naman ang utos ng korte na tiyak nilang susundin.

Inamin rin ni Robredo na umarkila ang PNP ng air ambulance bilang options para sa komportableng paglilipat sa dating Pangulo kung saan maaaring makasakay ang lima hanggang anim na katao.

May nakalap na impormasyon na gagastos ng P100,000 kapag gumamit ng chopper sa paglilipat sa dating Pangulo.

Una rito, inamin ni PNP spokesman C/Supt Agrimero Cruz, Jr. na kanilang tinanggihan ang hiling ng mga Arroyo na isagawa ang paglilipat sa gabi at madaling araw.

Kinonsidera umano ng Task Force Ex-PGMA ang kadiliman dahil sa isyu ng seguridad.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply