Palatino muling binatikos ang gobyerno

SINOPLA ng isang kongresista ang pagyayabang ni Budget and Management Secretary Florencio “Butch” Abad na malakas ang disaster management at response ng gobyerno sa nagdaang pananalasa ng bagyong “Sendong.”

Iginiit ni Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino na kung malakas aniya ang disaster management ng administrasyong Aquino ay bakit marami pa rin ang nasawi sa Cagayan de Oro at Iligan City.

Aniya, nakakasawa na ring pakinggan si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III at maging ang mga gabinete sa pagsalag sa mga pagbatikos ukol sa kawalan ng kahandaan ng gobyerno sa mga ganitong kalamidad.

Panawagan ngayon ni Palatino sa gobyerno ay mabigyang hustisya sana ang mga naging biktima ng pananalasa ng bagyong “Sendong” sa CDO at Iligan.

Ayon sa mambabatas, nakaka-irita na rin aniya ang patuloy na pagtatangka ng administrasyon na pagtakpan ang kawalan ng malinaw na programa upang labanan ang labis na epekto ng kalamidad gaya ng bagyo, baha at landslides.

Binatikos din ni Palatino ang aniya’y pagyayabang umano na naglaan na ng bilyong piso ang pamahalaan para sa mabilis na relief efforts.

Hindi rin pinaligtas ni Palatino si Abad sa pagsasabing wala aniyang katotohanan ang naging pahayag nito na handa at malakas ang disaster management ng pamahalaan dahil taliwas ito sa bilang ng mga nasawi at sa daming nawasak ng nasabing kalamidad.

Nauna rito ay tinuligsa rin ng militanteng solon si PNoy dahil sa umano’y pakikipag-party sa mga kasalukuyang miyembro at mga dating miyembro ng Presidential Security Group (PSG) sa kasagsagan ng bagyong “Sendong” kung saan binayo ng husto ang CDO at Iligan. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply