Pambabastos ni Mike A. sa RTC judge kinondena

MATINDING kinondena ng isang senador ang walang patumanggang pambabastos ni dating first gentleman Mike Arroyo kay Pasay City Regional Trial Court Judge Jesus Mupas nang samahan nito si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa ospital.

Dahil dito, iginiit ni Sen. Francis Pangilinan kay G. Arroyo na humingi ng paumanhin sa korte kahit pa karapatan nitong samahan ang kabiyak sa Veterans Memorial Medical Center nang walang abiso ang korte.

Bukod sa sarili, kasama rin ni G. Arroyo ang ilan nitong alalay at private nurse ng pamilya na siyang umaasikaso sa dating Chief Executive matapos mailipat sa VMMC.

“Kailangang humingi sila ng dispensa sa korte,” giit ni Pangilinan.

“Hindi si dating First Gentleman kundi ang korte ang magpapasya kung sino ang maaaring bumisita sa isang nakakulong sa ilalim ng hospital arrest,” dagdag pa niya.

Si Gng. Arroyo ay inilipat na sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City nitong Biyernes ng hapon (Disyembre 9) mula sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City.

Binigyang-diin pa ni Pangilinan na dapat isaisip ni G. Arroyo na ang kanyang asawa ay ipinakulong ng Pasay RTC dahil sa kasong electoral sabotage kung kaya’t hindi dapat nila iniisip na parang pasyente lamang sa ospital ang dating Pangulo na maaaring bantayan buong araw at gabi at dalawin ng ibang kaanak anumang oras nila gusto. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply