Pambato ng Pinas

DAHIL isang bansang pandagat nga ang Pilipinas, napakaim-portante na magkaroon tayo ng isang malakas at matatag na Hukbong Dagat.

Paulit-ulit kong binabanggit ito at sadyang hindi ko maiiwasang ipagbunyi ang mahigpit na pangangailangan nating ito.

Kamakailan lang ay naganap ang napakahalagang okasyon sa kasaysayan ng ating bansa. Bininyagan at kinomisyon ang dalawang barko ng Navy at isang helicopter nito. Si Presidente Aquino ang namuno sa pagkomisyon at ang kanyang mga kapatid na sina Pinky, Viel at Ballsy ang tumayong mga ninang rito. Matapos nito, sabay-sabay nilang iwinagayway ang pagbabalik-pangalan ng opisyal na yate ng Presidente, ang BRP Pag-Asa sa BRP Ang Pangulo, ang kanyang dating pangalan.

Ang Del Pilar ay barkong ginagamit pa ng US Coast Guard nang bilhin ito ng Pilipinas gamit ang pondo ng Departamento ng Enerhiya mula sa Malampaya Gas Project sa Palawan. Dumating siya sa bansa noong Agosto at handa na siyang i-deploy o isabak sa operasyong pandagat. Ang Tagbanua naman ay ang kauna-unahang landing utility craft (LCU) na gawang Pinas, at ang BO105 helicopter naman ay donasyon ng Departamento ng Turismo.

Makaraang makumpuni ang Ang Pangulo ay muli itong itinakda bilang isang “Floating Malacañan” kung saan maisusulong ng ating national government ang kanyang pamamahala saan mang sulok ng ating 7,100 na isla.

Sa isang banda ay makikitang napakalaking tagumpay at bahagi ng kasaysayan di lang para sa Philippine Navy at AFP ang okasyong ito, kundi ng buong sambayanang Filipino. Naipakita higit sa lahat na patuloy at seryoso ang pamahalaan na isulong ang modernisasyon ng ating mga hukbo. Ipinakikita rin na kaya pala talaga nating mga Pinoy na magbuo ng isang barkong pandigma. Lalo pa, naipakita rin na sa pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan ay kaya nating palakasin at patatagin ang ating Hukbong Dagat tungo sa pangangalaga at depensa ng ating karagatan.

Nawa’y ang damdamin at kaugaliang tulad nito – tulad ng Bayanihan – ay umigting at manatili hindi lamang sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan kundi sa bawat Pinoy. Sana’y sama-sama tayong magtulungan upang protektahan at bantayan ang ating karagatan at suportahan ang Hukbong Dagat natin. Kaya natin yan Pinoy!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply