Paninisi sa mamamayan at firing squad vs mandurugas

ANAK ng tipaklong, nagkakandamatay-matay na nga ang mamamayan sa baha, sila pa ang sinisisi ng mga awtoridad.

Kaugnay ito ng mga pinagsasabi ng mga nasa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na namumuo pa lang ang bagyong Sendong ay katakot-takot na umanong warning ang ipinalabas nila.

NASAAN ANG IISANG AKSYON?

Kung tutuusin, kumikilos naman ang mga nasa PAGASA sa pangganap ng tungkulin nila bilang taga-anunsyo sa kalagayan ng panahon.

Hindi nga natin matatawaran ang sipag at tiyaga ng mga ito dahil alam natin na kapag may dumarating na bagyo, dyinggel lang ang pahinga ng mga ito.

Kaya lang, lumalabas na may kahinaan ang kanilang komunikasyon sa lahat ng mga ibang kinauukulan.

Kung totoo mang nakaabot ang kanilang mga anunsyo halimbawa sa mga kongresman, gobernador, mayor at kapitan, bakit nabigla ang lahat ng ito sa pagragasa ng baha sa Cagayan de Oro, Iligan at iba pang lugar na sinagasaan ng bagyong Sendong?

Bakit pati ang mga panrehiyon ng opisina ng Department of Public Works and Highways, Social Welfare and Development, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ay nabigla rin?

PABAYANG DAAN

Hindi “tuwid na daan” kundi “pabayang daan” ang malinaw na naganap sa lahat ng mga awtoridad sa Cagayan de Oro at Iligan.

Kung wala mang kapabayaan, bakit naganap ang baha ng ganun-ganun na lamang?

Aba, dapat sigurong makaraang maisaayos ang malagim na pangyayari, kailangang may gumulong na ulo ng mga lider sa nasabing lugar.

Kasama na siyempre ang mga tao ng Palasyo na naatasang pangalagaan ang kalagayan ng mga nasa lalawigan.

ITIGIL MUNA ANG PANINISI

Pero bilang pakikiisa sa lahat ng mga biktima ng Sendong, ituon muna natin ang ating pansin para sa search and rescue at pagtulong na rin sa lahat ng mga nasalanta, buhay man o patay.

Lahat ay dapat na obligahin ang kanilang mga sarili na tumulong sa abot ng kanilang makakaya.

ANG MGA KAILANGAN

Talaga namang iiyak ka, Bro, kung makita mo ang pagkakasalansan ng mga bangkay ng mga nalunod sa flashflood.

Iiyak ka rin sa dinaranas na gutom, lamig, uhaw, sugat at sakit na dinaranas ng mga nakaligtas sa masaker ng kalikasan.

Batay rito, kahit papaano alam na natin ang mga tulong na pupuwede nating ipadala rito.

Anoman ang meron tayo, napakagandang bagay na mayroon tayong iaabot.

Kung hindi natin kayang pumunta sa mga lugar ng kalamidad, magtiyaga tayong maghanap ng mga organisasyon sa ating lugar na kumikilos para maiparating ang ating mga tulong sa mga nasalanta nating kababayan.

‘Yang mga kapitan, kagawad at tanod natin sa mga barangay, makatutulong sa paghahatid natin ng ating mga tulong.

Kung malapit naman tayo sa mga opisina ng Department of Social Welfare and Development o anomang simbahan na may pagkilos para rito, puwede na rin tayong pumunta sa mga ito at ilagak sa mga ito ang ating tulong.

MAG-INGAT SA MGA MANDURUGAS

Pero ano itong nasasagap natin na may mga nagbabara-baranggay at nagpapakilalang mga tao silang nangangalap ng mga tulong para sa mga biktima ng nasabing kalamidad?

Ang dapat na gawin sa mga ito ay i-hold at i-verify sa mga barangay, pulis at DSWD kung totoo ang mga taong  bahagi ng mga pagkilos para suportahan ang mga kinakalamidad.

Kung mga peke ang mga ito at sinasamantala lang nila ang pagiging makatao ng mamamayan, dapat na ipaanod agad ang mga ito sa baha para mabawasan naman ang mga
lahi ng mga animal na ito.

LIGAL NA MANDURUGAS

Pero hindi lang ang mga pekeng samaritano ang namamasyal sa ngayon.

Tiyak namang may mga tauhan mismo ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga ligal na organisasyon na magsasamantala.

Tingnan ninyo, may mga susulpot na reklamong hindi nakararating ang mga padalang tulong.

May susulpot ding reklamo ukol sa dagdag-bawas sa mga tulong na ating ipinadadala.

Paano kaya natin kokontrolin ang mga ito?

Siguro, lalo na kung salapi ang ating itutulong, tiyakin muna nating tamang mga tao, opisina o organisasyon ang ating padadalhan.

Kung bakit naman kasi na may nag-iisip na pagkakakitaan at ikayayaman nila ang pagkakaroon ng kalamidad!

OVER PRICING SA MGA BILIHIN

Kabilang sa mga kapuna-puna na nagaganap sa mga oras ng kalamidad ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Dapat na ngayon pa lang ay magbantay na ang mamamayan at kinauukulan sa ganitong pangyayari.

‘Yang mga nagtitinda ng bigas, sardinas, asin, anomang pang-ulam, tinapay, tubig, gamot, damit at kung ano-ano pa na kailangan ang dapat na bantayan.

FIRING SQUAD

Kung may overpricing, ano sa palagay ninyo ang dapat na gawin?

Hindi sa sinasang-ayunan natin ang mga Abu Sayyaf. Pero, siguro, ito ang katapat ng mga walanghiyang walang iniisip kundi pagsamantalahan ang mga namamatayan at labis nang naghihirap dahil sa kalamidad.

Kung hindi, ipa-firing squad na lang sa mga comrade.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply