Parañaque police chief naniniwalang haharap na si Ryan Pastera

INAASAHAN ni Paranaque police chief S/Supt. Baldemor Billy Beltran na ihaharap na sa piskalya bukas (Disyembre 9) nang kanyang abogado ang isa pang suspek na si Ryan Pastera o alyas Bryan upang sumpaan ang isusumiteng counter affidavit kaugnay nang pagkakadawit niya sa pagpatay kay Ramgen Bautista-Revilla.

Ayon kay Beltran, panghahawakan nila ang naging pahayag ng abogado ni Pastera na si Atty. Melinda Salcedo na magsusumite sila bukas ng counter affidavit ng kliyente sa tanggapan ni Assistant City Prosecutor Leah Roma upang pabulaan ang mga akusasyon laban dito.

Si Pastera ang itinuturo nina Roy Francis Tolisora at Michael Jay Naltea na humanap ng mauupahang papatay kay Ramgen at siya ring nagbibigay ng salapi para ipambili ng armas at bayad sa upa sa sasakyan na gagamitin sa pagpaslang kay Ramgen.

Nakakuha na si Atty. Salcedo ng mga kopya ng affidavit nina Tolisora, Naltea, Glaiza Visda at maging ng salaysay ni Ramona Bautista na sasagutin naman sa susumpaang pahayag ni Pastera.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Chief Insp. Enrique Sy, hepe ng binuong Task Force Ramgen na matibay na ang kanilang mga ebidensiya na magsasangkot kay Pastera sa nangyaring pamamaslang kay Ramgen.

Hihintayin na lamang aniya nila na maisampa sa korte ang kaso para makapaglabas na ng warrant of arrest laban kina Pastera at maging sa kapatid ng nasawi na si Ramona na kasalukuyan pa ring nasa Turkey.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply