Pasko na naman!

ANG Pasko ang araw na pinakaaabangan ng karamihan. Pero – sa totoo lang – may mga umaayaw din sa pagdating ng Kapaskuhan.

Ang Pasko – ayon sa kasabihan – ay araw ng saya. Dahil ito raw ay panahon ng pagbibigayan ng regalo sa isa’t isa.

Maaaring totoo kay Don Juan Regalado at kay Doña Maria Regalado, subalit kabaligtaran kina Mang Pablo at Aling Caring.

Siguradong pagdating ng Pasko, ang mag-asawang Don at Doña ay mamimigay ng regalo sa mga kapitbahay at kaibigan.

At siguradong pagsapit ng araw ng Pasko, walang maibibigay na regalo si Mang Pablo at si Aling Caring sa mga namamasko.

Kasi nga sa mundong ginagalawan natin, dalawang klase ang tao – isa ay ang masuwerte at ang isa ay ang ‘di masuwerte sa buhay.

Ang isa ay may pambili ng regalo at ang isa ay wala. Tinatalakay natin ito dahil talagang ganito ang reyalidad sa mundo.

Reyalidad din na may mga gustong-gusto ang pagdating ng Pasko, pero may mga umaayaw dahil walang-wala kapag Pasko.

Hindi dapat malungkot. Wala man tayong pambili ng regalo at pang-noche buena, kailangan tayong maging masaya sa araw ng Pasko.

‘Pag dinalaw ka ng isang kaibigan sa araw ng Pasko, magpasalamat ka. Ang batiin ka ng Merry Christmas ay sapat na.

Ang suklian mo ang kanyang pagbati ng katulad ng binigkas sa iyong ‘Merry Christmas’ ay daig pa ang isang regalo.

Sinasabi natin ito dahil, marami sa atin ang nalulungkot dahil sa hirap ng buhay.

Sana’y magsilbing ‘liwanag’ tayo sa kanila.

Katunayan, ilang kakilala ang nakahuntahan na natin at ang sobrang kahirapan ang kanilang ikinukuwento sa Chokepoint.

Ang ilan, bumagsak ang mga negosyo, ang iba’y nawalan ng trabaho. Magpa-Pasko pa naman kaya marahil sila’y nalulungkot.

Kung noo’y sila’y nakapagbibigay ng regalo sa mga kaibigan, ngayon, anila ay ‘di mangyayari dahil sa kahirapan.

Talagang ganoon. Ang pagsapit ng Pasko ay ‘di natin mapipigil. Huwag malungkot – Isipin na lang natin na ang Pasko’y lilipas din.

o0o

GREETINGS

Binabati ni Ramil C. Rondina ng Malabon City Hall si Ate Liezzel at Kuya Dario ng Land Bank – Malabon sa pagdiriwang ng kanilang kaarawan sa Dec. 16 at Dec. 19. Happy, happy birthdays.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply