Pastera nagsumite na ng counter affidavit

PERSONAL nang nagsumite ng kanyang counter affidavit sa tanggapan ng Parañaque City Prosecutors Office si Ryan Pastera, alyas Bryan na itinuturong humanap ng mauupahang salarin na papatay kay Ramgen Revilla.

Pasado alas-2 ng hapon kanina nang dumating si Pastera, kasama ang kanyang ina at mga kaanak, ang abogadong  si Atty. Melinda Salcedo at ilang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), bitbit ang counter affidavit na kanyang susumpaan sa piskalya.

Tumagal lamang ng halos 20-minuto si Pastera sa tanggapan ni Assistant City Prosecutor Leah Roma bago nagmamadaling umalis upang makaiwas sa nag-aabang na miyembro ng media.

Nagpahayag naman ng pagkabigla si Atty. Argee Guevarra, abogado ni Janell Manahan, ang kasintahan ng pinaslang na si Ramgen, kung bakit nasa pangangalaga na ng NBI si Pastera gayung itinuturing pa rin siyang suspek sa krimen.

Inihayag naman ng isa sa mga ahenteng escort ni Pastera na kahapon lamang ng umaga nagtungo sa kanilang tanggapan ang pamilya Pastera at humingi ng kaukulang ayuda upang matiyak ang seguridad ni Ryan sa pagtungo sa piskalya.

Sinabi naman ni Guevarra na itinanggi lamang ni Pastera sa kanyang isinumiteng affidavit ang akusasyon na siya ang humahap ng mauupahang salarin at sinabing hindi niya kilala ang mga taong nagtuturo sa kanya, partikular na ang testigong si Ruel Puzon.

Sinabi ni Guevarra na maaari sanang gamitin bilang state witness si Pastera kung magsasabi lamang siya ng katotohanan at ituturo kung sino-sino sa mga nagkutsabahan para isagawa ang pagpaslang kay Ramgen.

Si Pastera ang itinuturong kaibigan ni Gail Revilla, ang isa pang kapatid na babae ng napaslang.

Kinumpirma rin ni Guevarra na pinag-aaralan na rin nila ang.pagsasampa pa ng panibagong kaso sa ilan pang miyembro ng pamilya Revilla na kanilang ibabatay sa mga sinumpaang salaysay ng mga testigo.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply