PCG: 12 turista nasagip sa tumaob na bangka

NAILIGTAS ang 12 turista sa tumaob na bangka na kanilang sinasakyan sa Lapu-Lapu City.

Kinilala ang mga nailigtas na sina Christopher Espirito, 53; Gercie Toreno, 26; Gizelle Guabay, 21; Ava Toreno, 56; Mae Anne Pajares, 30; Ace Pajares, 23; Ma. Paz Marino, 59; Ramon Marino, 54; Pamela Marino, 25; Patricia Marino, 23; Priscilla Marino, 22; at  Mila Maraya, 30.

Sa report ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Algier Ricafrente, dakong 5:27 kahapon ng hapon (Disyembre 29) nang maganap ang insidente sa dagat ng Olango Island sa Lapu-Lapu City.

Sakay ang mga biktima ng M/Bca Paolo Noel patungo sana sa isang isla upang mamasyal. Ngunit pagsapit sa nabanggit na lugar ay tumaob ang kanilang sinasakyan dahil sa malakas na alon.

Nai-report naman ang nasabing insidente sa Coast Guard Station Cebu subalit bago pa man nakarating ang mga kagawad ng PCG ay nailigtas na ang mga ito ng Eric Tours na nakabase sa Mactan, Lapu-Lapu City.

Nabatid na nakahawak ang mga biktima sa tumaob na bangka nang dumating ang mga rescuer.

Wala namang nasugatan sa mga biktima na nakabalik na sa kani-kanilang mga pamilya.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply