Pinay domestic helper sa Macau naaresto dahil sa pagnanakaw ng mga ari-arian ng kanyang employer

NAARESTO ang isang Pinay domestic helper sa Macau dahil sa pagnanakaw ng mga ari-arian ng kanyang employer na umaabot sa 90,000 MOP. Matapos ang insidente ng kanyang pagnanakaw, agaran itong umuwi ng Pilipinas.

Nagtrabaho ang OFW sa isang pamilya sa Fai Chi Kei simula pa noong Setyembre ng nakaraang taon. Dahil sa tagal na panahon na din ng kanyang paninilbihan sa kanyang employer, pinagkatiwalaan siya nito. Dumating ang Agosto ngayong taon, ninakaw ni Abe ang alahas at pera na nakalagay sa damit ng kanyang employer habang ang pamilya nito ay nasa labas. Walang kaalam-alam ang kanyang employer, matapos ang ilang araw, pinayagan siya nito na magbakasyon sa loob lamang ng tatlong araw. Sa pagkakataon na ito na nakatakas ang domestic helper upang makauwi ng Pilipinas na may dalang malaking halaga ng pera.

Matapos ang tatlong buwan, dahil may buong pagkakahawig siya sa kanyang kapatid, muli siyang bumalik sa Macau gamit ang pasaporte ng kanyang ate. Muli matagumpay siyang nakakuha ng trabaho bilang domestic helper sa pamamagitan ng isang ahensya at na-isyuhan ng isang blue card ng Macau Immigration.

Ngunit sa kabila nito, matapos ang isang araw, nakita siya ng kanyang kanyang dating employer malapit sa Mercado Municipal do Patane sa Macau. Doon agad siyang inaresto ng Judiciary Police at nakatakda na siyang ilipat sa Prosecution Office matapos ang imbestigasyon.

***

‘Sulat Kamay ng Global Pinoy,’ kikilalanin ang mga OFW na may mga natatanging kwento ng tagumpay

‘SULAT Kamay ng Global Pinoy (SKGP) ay ang pinakabagong patimpalak para sa mga OFW na may natatanging kuwento ng inspirasyon at tagumpay bilang mga Global Pinoy o manggagawa sa ibayong-dagat sa ilalim ng pinagsanib na puwersa ng SM Global Pinoy Center (SM GPC) at Pilipinas Online-Bantay OCW program.

Naglalayon ito na muling maibalik ang kultura ng tradisyonal na komunikasyon sa pagitan ng mga OFW at kanilang kapamilya sa pamamagitan ng liham na gawa sa mga personal na sulat kamay. Layunin din ng SKGP na palakasin ang kahalagahan ng mga liham na gawa sa sulat kamay sa kabila ng mga makabagong paraan ngayon ng pakikipag-ugnayan sa ating mga mahal sa buhay sa ibayong-dagat.

Itinataguyod din ng SKGP ang pagsasapubliko sa mga kuwento ng tagumpay ng mga OFW at maging inspirasyon sa iba na nagnanais na magtagumpay sa kanilang mga napiling karera sa ibang bansa.

Ang mga OFW lamang na nandito sa Pilipinas at abroad ang maaaring lumahok sa patimpalak. Nararapat na miyembro ng SM GPC ang mga contestant at nararapat din nilang isulat kamay ang kanilang mga kuwento na ipapadala. Ang mga kuwento ay maaaring ipadala sa anumang SM Global Pinoy Center sa buong bansa at sa Bantay OCW Foundation Operations Center.

Para sa karagdagang impormasyon, palaging makinig sa Bantay OCW gabi-gabi sa Radyo Inquirer DZIQ 990 AM.

***

Bantay kaso

•IRENE JULIANES (Kapatid ng minamaltratong OFW sa Kuwait)

EVELYN JULIANES OBLIGADO (Minamaltratong OFW sa Kuwait)

KASO: Sinusuntok at inuumpog ang kaniyang ulo, inapakan pa sa leeg at tiyan ng kaniyang Ethiopian employer. Nais humingi ng tulong upang kaagad na makauwi na ng bansa ang kaniyang kapatid na si Evelyn.

UPDATE: Nasa kaalaman na ito ni Labor Attache David Des Dicang ng ating Philippine Overseas Labor Office (POLO-Kuwait). Matapos maibigay ang lahat ng kinakailangang impormasyon, hinihintay natin ang tugon mula sa ating POLO para sa mabilis na pagtulong sa ating kabayan.

•GINA DIZON (OFW mula Riyadh, KSA na nais matulungan sa pagsampa ng reklamo sa ahensya)

KASO: Naaksidente sa Riyadh subalit siya ang gumastos para sa kaniyang pagpapagamot.

Hindi rin pinapayagang makauwi kahit na may sakit si Gina at hindi pa sapat ang ibinibigay sa kaniyang pagkain. Nais matulungang matanggap ang hindi naibigay na pasahod at pasagutin ang ahensya para sa kaniyang patuloy na paggagamot.

UPDATE: Nakahandang tumulong kay Gina ang ating mga katuwang mula sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) kapag nakapagsampa na siya ng reklamo at money claims laban sa ahensyang Yarra International Recruitment Corporation sa POEA at NLRC.

•RUTH EVANGELISTA (May-bahay ng naaksidenteng OFW mula sa Jeddah, KSA)

MARVIN EVANGELISTA (Naaksidenteng OFW mula sa Jeddah, KSA)

KASO:  Naaksidente noong Marso 18, 2011. Nais makatanggap ng katarungan mula sa Yemeni na nakabangga sa kaniya at mapabilis ang disability claims mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

UPDATE: Nakipag-ugnayan ang BANTAY OCW kay Administrator Carmelita Dimzon ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Nakapagpasa na sa OWWA ng mga kaukulang dokumentong medikal si Marvin, at kasalukuyang hinihintay na lamang ang tugon para sa kanyang disability claims.

***

Bantay OCW sa Radyo Inquirer 990 AM

Ang Bantay OCW ay mapapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes 7:00-8:30 p.m. sa DZIQ Radyo Inquirer 990 AM. Para po sa inyong mga problema, hinaing at kahilingan, maaring magtungo sa Radyo Inquirer studio, 2nd Floor Media Resource Plaza Building, Mola St. cor. Pasong Tirad St., Barangay La Paz, Makati City. Para sa mga OFW sa ibayong dagat, mag-log on lamang sa www.dziq.am

Bantay OCW sa PTV Channel 4
Ang Bantay OCW ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes 10:15-11:15 p.m. sa PTV Channel 4. Mapapanood din sa pamamagitan ng internet: www.ptni.tv

Bantay OCW Foundation Operations Center
Ang Bantay OCW Foundation Operations Center ay naglilingkod araw-araw Lunes hanggang Biyernes 8:00 a.m.-5:00 p.m. sa 631 Shaw Boulevard, Mandaluyong City. Maaari po kayong makipag-ugnayan sa ating mga telepono: 5357209, 8819423 at 0919214.0699.

Telephone Numbers:  5357209, 8819423 at 09192140699.
Email: susankbantayocw@yahoo.com/bantayocwfoundation@yahoo.com

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply