PNoy court vs Gloria court at hindi kalabaw ang bayan

NANG ma-impeach si Chief Justice Renato Corona, naiisip nating maaari ring ma-impeach ang natitirang kakosa nito.

‘Di ba may tinatawag na Magic 8 sa mga Hukom ng Korte Suprema?

Kasama, mga Bro, sa Magic 8 si CJ Corona.

Yung natitirang pitong Hukom makaraang ma-impeach si Chief Justice ay ang mga kasa-kasama ng huli na laging nagkakaroon ng katulad ng desisyon nito.

Lalo na sa mga kasong kinasasangkutan ni Aling Gloria.

STYLE GANG

All for one, one for all ang laro umano ng mga ito.

Sa salita ni Erap, hoodlums in robes.

Kaya, ayon sa mga KKK ni PNoy, iniisip na nilang i-impeach din ang iba pa sa Magic 8 para sa kanilang mga layunin.

At tama ang hinala natin ukol dito.

Mayroon na umano silang nasisilip na mga “kalokohan” ng mga ito na dahilan para sa impeachment.

TALO PA RIN SA HOODLUMS

Ang iniisip ng mga KKK ni PNoy, mga Bro, ay isa lang si Corona sa walong tinik sa Korte Suprema sa pagsusulong umano nila ng mga reporma o pagbabago.

Matanggal man si Corona, kung mananatili sa Korte Suprema ang mga kakosa nito, wala ring pupuntahan ang mga kasong aabot sa nasabing korte.

Malaki nga namang bilang ang pito na kokontra sa mga kasong maipananalo nina PNoy sa Regional Trial Court, Sandiganbayan, Court of Appeals, Court of Tax Appeals at iba pang tribunal.

GLORIA COURT PA RIN

Kapag nagtagumpay ang mga KKK sa laban nila kay Corona at mag-a-appoint naman si PNoy ng bagong Chief Justice, maaaring mahina pa rin ang pro-PNoy na pwersa sa Korte Suprema.

Eh papaano kung babaligtad pa ang mga appointee ni PNoy katulad ng nangyari sa kasong Hacienda Luisita?

Yung mga bagong appointee ni PNoy ay bumoto para malansag na ang pagmamay-ari nina PNoy sa asyenda at ipamigay ang malawak na lupain sa mga magsasaka at obrero roon.

Kaya naman, wais ang mga KKK sa pagsasabing ngayon pa lang ay may balak na nilang i-impeach din ang matitira sa Magic 8.

AQUINO COURT VS GLORIA COURT

Kung hindi magtatagumpay ang mga KKK na sibakin ang lahat ng mga “kakosa” nina Corona at Aling Gloria, malamang na magkakaroon ng Aquino Court at Gloria Court dahil binubuo ng 15 Hukom ang Korte Suprema.

Maaasahan ba ngayon ang reporma at pagbabago dahil maaaring magbantayan ang mga Hukom sa isa’t isa?

Pero mangyayari naman kaya ito kung iisipin na higit silang magtatagal sa puwesto kumpara sa termino ni PNoy at ang mga KKK nito?

Malakas yata ang self-preservation.

Yun bang === iligtas mo muna ang iyong sarili bago ang iba. Hehehe!

Isa pa, paano ang paniniwala ng mga appointed justice na makaraan silang maluklok sa puwesto ay dapat nilang kalimutan ang nag-appoint sa kanila at sa halip ay sa mamamayan sila tititig para paglingkuran?

At para matupad na rin nila ang check and balance sa pagitan ng Hudikatura, Kongreso at Ehekutibo.

MAIGSI ANG PANAHON

Kung iisipin, napakaigsi ng panahon sa pagtatanim ng tunay na reporma at pagbabago na gusto nina PNoy at mga KKK nito.

May natitira na lang na mahigit apat na taon para rito.

Yan ay kung magtatagal si PNoy sa puwesto.

Para sa malawakang reporma o pagbabago, dapat deka-dekada at daang taon ang bibilangin para maging bahagi ng laman, buto at kaluluwa ng mga pulitiko ang mga ito.

Isa pa, huwag sabihin ni PNoy na yung mga nagmumukhang tsuwariwap niya ngayon ay forever niyang tsuwariwap.

Pulitiko ang mga yan na mas masahol pa sa balimbing sa panahon ng halalan.

LIKE GLORIA LIKE PNOY

Baka matulad pa nga si PNoy kay Aling Gloria na dalawang taon bago ang 2016 ay iiwanan na siya ng kanyang mga tsuwariwap.

Sa 2016 kasi, wala nang silbi si PNoy.

Mawawala na siya sa poder at tiyak namang may susulpot na bagong lider na kakapitan
ng mga balimbing.

Hehehe.

Yan ay kung hindi isusunod ni PNoy at mga KKK nito ang proyektong pagbabago o pagretoke sa 1987 Constitution para manatili siya sa puwesto at magawa nila ang kanilang gusto.

SUMUSUNOD NA PARANG KALABAW

Matatandaang isinisingit ng mga KKK ang posibilidad na baguhin ang Constitution habang popular pa umano si PNoy sa mamamayan.

Tingin ng mga KKK, parang kalabaw lang ang mamamayan.

Kung may tinitingalang amo ang kalabaw, sunod lang nang sunod ito sa kagustuhan ng amo.

Kaya, nandiyan ang tukso na gusto na nilang retokihin ang Constitution.

HINDI KALABAW ANG MAMAMAYAN

Malaking pagkakamali sa pagtingin na parang kalabaw ang mamamayan.

Sa dami na kasi ng mga nagdaang katulad ni PNoy na tinitingala, wala pa ring nararating ang bansa.

Ang nangyayari pa nga ay nanunuwag ang kalabaw sa mga inutil at abusado.

Huwag kalilimutan ng mga KKK na buhay na buhay ang tunay na KKK kahit wala na ang mga Kastila sa mahal kong Pinas.

Buhay na buhay rin ang EDSA 1 at 2.

Buhay na buhay rin ang halalan na kahit dayain mo sa 12-0 ang labanan, mananaig at mananaig ang gusto ng mamamayan.

PNoy, ingat lang po!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply