PNoy dapat igalang ang hiwalay na kapangyarihan ng hudikatura at ehekutibo– obispo

PINAYUHAN ng isang obispo ng Simbahang Katolika si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na igalang ang hiwalay na kapangyarihan ng hudikatura at ehekutibo.

Ito ay kasunod nang mistulang “pambabastos” ni Pangulong Aquino kay Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona nang tahasang batikusin nito ang mga desisyon ng Korte Suprema, kahit na nasa likod lamang niya ang punong mahistrado.

Ayon kay Sorsogon Bishop Arturo Bastes, hindi makatutulong sa bansa ang pagbabangayan ng mga matataas na lider lalo pa’t sila ang tinitingala ng taumbayan.

Pinayuhan pa ni Bastes si Pangulong Aquino na mas mabuting ituon na lamang ang kanyang panahon kung papaano reresolbahin ang kahirapan sa bansa sa halip na pakialaman ang trabaho ng Korte Suprema.

“Hindi dapat pakialaman ni Pangulong Benigno Aquino III ang kapangyarihan ng Hudikatura. That should not be. I would say that Noynoy should respect also the judiciary, because that’s an independent branch of the government,” ayon kay Bastes, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Nauna rito, sa kaniyang talumpati sa kauna-unahang National Justice Summit sa Manila Hotel kahapon (Lunes, Disyembre 5), pinasaringan ng Pangulo ang sa Korte Suprema at hayagang kinuwestiyon ang mga desisyon nito, na ayon sa kanya ay mahirap unawain.

Nasa likod lamang noon ng Pangulo si Corona na panay ngiti at tango lamang ang ginawa hanggang sa tuluyang makaalis sa pagtitipon.

Tumanggi rin si Corona na magbigay pa ng pahayag at reaksiyon kaugnay sa ginawa ng Pangulo at sinabing, “Hayaan na natin, holiday season naman.  Let’s speak of peace.”

Sa kabila nito, ikinabahala naman ng mga mahistrado ng Korte Suprema at iba pang miyembro ng hudikatura ang ginawa ni Pangulong Aquino kay Corona.

Tinukoy rin ng mga ito ang timing ng talumpati ng Pangulo na itinapat pa umano sa isang event na inorganisa ng Supreme Court katuwang ang Department of Justice at Department of the Interior and Local Government.

Sa isang pahayag na binasa ni Supreme Court administator at spokesperson Atty. Midas Marquez, nakasaad na lubos silang nababahala sa mistulang pangmamaliit ni Pangulong Aquino sa Punong Mahistrado.

Bukas naman aniya sila sa ‘checks and balances’ sa pagitan ng iba pang sangay ng pamahalaan ngunit dapat itong idaan sa tamang proseso.

Dagdag pa ni Marquez na kung alam lamang nila na puro pambabatikos lamang ang laman ng talumpati ni Pangulong Aquino ay papayuhan niya si Corona na huwag nang pumunta sa summit.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply