Presyo ng langis kontrolin, EVAT bawasan o buwagin

TAMA lamang ang deklarasyon ni Pangulong Noynoy na pambansang kalamidad.

Ito’y para magamit lahat ng mga pambansa at lokal na pamahalaan ang kanilang mga calamity fund para itugon sa naganap na mga delubyo sa Cagayan de Oro, Iligan, Negros Oriental at iba pang lugar.

Ngunit maaari rin bang sakupin ng deklarasyon ang napipinsala rin ng delubyo
sa Cagayan Valley at ilang bahagi ng Kalinga at Apayao?

May ulat kasi, mga Bro, na grabe rin ang baha sa maraming bayan sa Isabela at Cagayan dahil sa siyam-siyam na ulan doon.

Umapaw ang Cagayan River sa tubig-baha mula sa maraming ilog na nanggagaling sa mga kabundukan ng Sierra Madre at Cordillera.

Mantakin ninyo, mga Bro, ngayon lang umabot sa 10 metro ang taas ng tubig sa ilang bahagi ng Tuguegarao City na dating hindi gaanong nababaha.

MAHIGIT 1,000 PATAY SA BAHA

Tama ang tantiya noong unang mga araw ng baha sa Cagayan de Oro, Iligan at Negros Oriental.

Libo katao ang tiyak na matatagpuang patay dahil sa laki talaga ng tubig-baha na dumaluhong sa mga siksik na kabahayan sa nasabing mga lugar habang nasa kasarapan pa ng pagtulog ang lahat.

Akalain ba nating nabura ang ilang barangay dahil sa baha.

CALAMITY FUND AT PAGLILIBING

Dapat sakupin ng deklarasyon ng pambansang kalamidad ang paglilibing ng mga biktima.

Hangga’t maaari ay gagastusin ang bahagi ng calamity fund para sa libreng paglilibing ng mga namatay.

Labis-labis nang kalungkutan ang daranasin ng mga biktima kung hindi lalamunin pa ang mga punerarya ang mga limos na natatanggap ng mga ito.

Bahagi rin dapat ng deklarasyon ang pagkontrol sa pagsasamantala ng mga punerarya sa sitwasyon.

MATAGALANG PAGTULONG

Hindi sapat na mailibing ang mga namatay sa pamamagitan ng calamity fund.

Ang mga natitirang buhay ay dapat ding pagkalooban ng calamity fund.

Kung iisipin, buwan at taon ang aabutin ng mga buhay na biktima para muli silang makabangon at makatindig nang nag-iisa.

Lalo na ang mga biktimang nawalan ng mga magulang o sandigan sa buhay.

Ang gutom at sakit ay hindi dapat na hayaang mamamayani sa mga biktima.

PABAHAY PARA SA MGA BIKTIMA

Tamang hakbang ang pagpigil ni PNoy sa mga residente sa mga napinsalang lugar na muling babalik roon.

Ngunit malaking responsibilidad ito saan mang sulok tingnan.

Sapagkat malaking halaga ang kinakailangan.

Imadyinin lang ninyo, mga Bro, na kung walang ligtas na lupang pamahalaan, kinakailangang humanap ang pamahalaan ng mga pribadong lupain para doon i-relocate ang mga biktima.

Ang calamity fund ay dapat ding gamitin para sa usaping ito.

Kung pupuwede lamang ay gawin nang libre ang pabahay para sa mga biktima.

Lalo na sa bahagi ng mga nawalan talaga ng pagkukunan ng ikabubuhay at ipambabayad sa matagal na panahon, gaya ng mga natitirang bata at matatanda na nawalan ng maghahanapbuhay para sa kanila.

PAGBABANTAY SA KALUSUGAN

Tuloy-tuloy rin dapat ang pagbabantay sa kalusugan ng mga biktima.

Sapagkat hindi na lamang sa lupa at ilog nakikita ang mga posibleng pagmulan ng mga sakit.

Alalahaning may natatagpuan nang mga lumulutang na bangkay sa mga tabi at gitna ng dagat. Iniluwa ng baha sa karagatan ang maraming bangkay.

Kaya naman, hindi lang ang mga gamot ang kailangan para sa kalusugan ng mga biktima.
Malinis na pagkain kahit mula sa karagatan ay dapat na tiyakin.

Paspasan din dapat ang pagsuplay ng malinis na tubig hindi lamang para sa inumin kundi para sa pagluluto at paglalaba.

PAGKONTROL SA PRESYO

Kalakip ng deklarasyon ng pambansang kalamidad ang pagkontrol sa presyo ng ilang batayang pangangailangan.

Magandang hakbang ito upang makayanan ng mga biktima ang bumili ng kanilang mga pangangailangan.

Mahalaga rin ito sa mga kumikilos para hatiran ang mga biktima ng tulong.

Dapat talagang pagaanin ang kalagayan ng mga tumutulong.

KONTROL SA PRESYO NG LANGIS

Isa sa mga mahihigpit na rumerenda sa pagdaloy ng tulong ang napakamahal na presyo ng langis.

Anak ng tokwa, itong mga kompanya ng langis ay walang pakialam sa nagaganap na kalamidad sa bansa.

Tuloy-tuloy ang kanilang pagdaragdag-bawas sa presyo ng petrolyo.

Dahil sa mahal ng mga produktong petrolyo, maraming may gustong direktang tumulong sa mga biktima ang hindi makakilos.

Mas malaki pa ang gastos nila sa gasolina, diesel at kerosene kaysa halaga ng nais nilang dalhin na mga tulong.

TANGGAL O BAWAS EVAT

Para malaki talaga ang maitutulong sa mga biktima at kahit sa mga tumutulong at sumasagip sa mga biktima ng kalamidad, napakagandang hindi muna pairalin o bawasan o ganap nang tanggalin ang EVAT sa lahat ng mga produkto at serbisyong kinakailangan.

Sa totoo lang, kung walang kontrol sa presyo ng langis at EVAT sa lahat ng mga bilihin at serbisyo, magiging hilaw ang lahat ng ating mga ginagawang pagsaklolo sa mga kinakalamidad.

oOo

Anomang reklamo o puna ay i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply