Publiko binalaan sa smuggled goods ngayong Kapaskuhan

BINALAAN ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang publiko sa posibilidad na pagpasok ng smuggle goods sa bansa ngayong Kapaskuhan.

Kasabay nito, nanawagan si Pangilinan, na siya ring chairman ng Senate committee on agriculture and food sa Bureau of Customs (BOC), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA) at sa lokal na pamahalaan na maging alerto at mapagmatyag sa pagpasok ng smuggled goods tulad ng meat products, gulay at iba pang in-demand items para sa pagdiriwang ng “noche buena”.

Ani Pangilinan kapag masyadong mababa ang presyo ng mga bilihin sa merkado, kailangan na suriin ang produkto at alamin kung saan nanggaling upang makatiyak na hindi smuggled ang mga ito.

Payo pa ni Pangilinan, kung hindi matiyak ang source ng mga bilihin, may posibilidad na ang iba rito ay delikado sa kalusugan ng mga mamamayan.

Nagbabala rin ang senador sa pagbili ng “botcha” o ang tinatawag na double-dead meat na ibinebenta ng mga negosyante lalo na’t sa araw ng kapaskuhan.

“Kailangan po nating protektahan ang kapakanan ng mga mamamayan, lalung-lalo na sa mga gahamang negosyante na ang nais lang ay kumita sa iligal na paraan. Baka mura nga ang bilihin, e sa ospital naman ang tuloy ng mga bumibili. Kung ano ang natipid sa pamamalengke, mababawi naman sa panggamot,” ani Pangilinan.

Gayundin, iginiit ng senador na kailangan din na pangalagaan ang kita at kabuhayan ng mga magsasaka.

“Kapag smuggled ang bilihin at bagsak-presyo ang mga ito, nasisira ang kabuhayan ng ating mga magsasaka. Wala na nga silang Christmas bonus, mawawalan pa sila ng kita ngayong Kapaskuhan,”giit ni Pangilinan.

Dahil dito, hiniling ng senador ang tulong ng lahat ng mga sangay ng gobyerno na maging mas mapagmatyag ngayong mga panahong ito at bigyan ng ligtas at masaganang Pasko ang taumbayan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply