Regalo kay Mupas ipinaliwanag ni Topacio

IPINALIWANAG ni Atty. Ferdinand Topacio na ang pamamahagi niya ng regalo ay nakasanayan na taun-taon at isa sa napili niyang bigyan ay si Pasay City Regional Trial Court Judge Jesus Mupas na humahawak sa kaso ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nauwi naman sa malaking isyu.

Ayon kay Topacio, taon-taon ay namamahagi siya ng regalo sa kanyang mga kaibigan na kinabibilangan ni Judge Mupas kaya labis siyang nagulat nang muling ibalik sa kanya at hindi tanggapin ang regalo.

Nilinaw ni Topacio na wala siyang maitim na layunin sa pamamahagi ng regalo lalo na kay Judge Mupas dahil kung tutuusin ay hindi naman siya ang abogado ng dating pangulo kundi ang kinakatawan niya sa husgado ay si dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo.

Hindi rin aniya totoo na wall clock ang laman ng kahon ng regalo na kanyang ipinadala sa hukom kundi isang bilog na mangkok o bowl na isang uri ng pampabuwenas matapos kumonsulta sa fung shui expert.

Bukod aniya kay Mupas, may 299 pa siyang mga kaibigan na pinagkalooban ng regalong pampa-buwenas tuwing magtatapos ang taon at ginagawa na niya ito sa loob ng 12-taon.

Magugunita na naging kontrobersiyal ang ipinasauling regalo ni Judge Mupas mula kay Atty. Topacio lalo na nang marinig ang tumutunog na bagay sa loob na ipinagpalagay ng karamihan na wall clock.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply