Road extension ipinatupad sa Muntinlupa

NAGSAGAWA na ng clearing operation ang Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa upang alisin ang mga iligal na imprastrakturang nakatayo sa Block 8, Bautista Extension, Bayanan, na isa sa mga lugar na napasailalim sa demolisyon dahil sa road extension.

Ayon kay Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro, ito ang panimula ng kanilang hakbang para sa pagsasagawa ng kongkretong daan na magdurugtong ng Pleasant Village at Filinvest Corporate City, na isang programa ng Route Entry and Exit System (CARES) Project.

“Bahagi ito ng ating pagpapabuti ng daloy ng trapiko sa ilang lugar dito sa ating area of responsibility,” pahayag ng alkalde sa Remate.

Isinagawa ang naturang clearing operation ng pamahalaan ng Muntinlupa katuwang ang Metro Manila Development Authority(MMDA).

Ilan sa mga lugar na matatamaan ng road extension project ay ang mga subdibisyon ng Barangay Bayanan na kinabibilangan ng Camella I Subdivision, Soldiers Hills Subdivision at Camella 2 2D at 2E.

Paliwanag ni San Pedro, bago nila isinakatuparan ang nabanggit na proyekto naglunsad muna sila ng serye ng pampublikong pagdinig at konsultasyon na dinaluhan ng mga opisyal ng mga maaapektuhang subdibisyon at Filinvest Corporate City.

Naging maayos naman ang naturang pagpupulong, kung saan magiging entry at exit point ang Filinvest ng mga pampubliko sasakyan at mga motoristang may ruta mula National Road patungong Filinvest Corporate City o vice-versa.

Dagdag pa ni San Pedro, malaking tulong ang plano nilang proyekto para sa alternatibong daan ng mga residente ng mga maapektuhang subdibisyon dahil mapapaiiksi na ang kanilang byahe na dati-rati ay kanila pang binabaktas ang kahabaang ng National Road makarating lang sa Alabang.

“Malaking tulong ito para sa mas mabilis na byahe ng mga kababayan natin na naninirahan doon,” anito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply