Saan tayo pupunta?

MALAKING katanungan kung saan pupunta ang lahi ni Juan sa darating na taon.

Inaasahan kasing maraming magaganap na ikapagkakaisa at ikabibiyak ng ating lipunan.

Ano ang gagawin ng mga kinauukulan upang mauwi ang lahat sa kapakanan ng nakararami kundi man ng lahat?

oOo

Ang mga pangako na ikauunlad ng buhay ng marami ang tiyak na makapagdudulot ng pagkakaisa ng lahi ni Juan. Subalit hanggang saan ang aabutin at hanggang kanino magbubunga ng maganda ang pramises na ito?

Matatandaang napakarami nang mga balita ukol sa pag-unlad ng bansa, kahit pa sinasabing bumabagsak ang ekonomiya ng iba.

Ngunit sa huli, ‘yung mga nasa itaas lamang pala ang umuunlad at hindi ang nakararaming mahihirap.

Kung may nararanasan mang pag-angat ng buhay ng marami, pawang mga panandalian
lamang.

Iilan lamang ang nagtatamasa ng mga panghabambuhay na pakinabang mula sa mga yaman ng bansa, maging sa bumubuhos na pondo ng pamahalaan.

Sa panahon ni PNoy, tunay nga bang may maaasahan na pag-unlad sa buhay ng nakararami para sa matagal na panahon?

Tu si is tu bilib, Suki.

oOo

Habang nangangako si PNoy na magkakaroon ng katuparan ang kanyang batelkray na “kung walang korap, walang mahirap”, kasabay nito siyempre ang laban sa mga korap.

Sana, hindi ito mauwi  sa kaguluhan lalo’t dumarami ang natatagpuang korap na minamadaling gustong makulong ni PNoy, lalo namang dumarami ang nagkakampihan na “por beter or por wors.”

Tandaan, wala pang nakatitiyak kung talagang tapat sa bayan higit sa lahat ang mga nasa pamahalaan at hindi sa kani-kanilang mga KKK at pansariling interes.

At lalong tandaan, “Ang tumakbo nang matulin, kung matinik ay…”

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply