Salubong na ngiti sa OFWs at turista

SA ILANG nagdaang survey, lumitaw na isa ang Pilipinas sa mga bansang may mamamayang masayahin at laging may ngiti sa labi na kinalulugdan ng mga turista at mga dayuhan at ilang panahon din na tuwing nalalapit ang Kapaskuhan —  tangan din ng Pilipinas ang pinakamahabang pagdiriwang ng okasyon sa mundo.

At habang papalapit ang Kapaskuhan, tiyak na daragsa ang mga OFW natin na magsisiuwian mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Bunga nito nilinaw ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Angel Conrado na wala siya o ninoman sa tanggapan ng MIAA ang nagbabawal sa pagbati ng “Merry Christmas” sa mga darating na OFW at  turista sa pambansang paliparan.

Isang pagbati sa mga OFW bilang magandang pagsalubong sa kanilang pag-uwi kasunod ng ilang panahon ng pananatili habang naghahanapbuhay sa ibayong dagat. Kaya anong masama kung salubungin man sila ng ngiti ng mga kababayan na nasa paliparan?

o0o

Masasaya ang mga taong-gobyerno sa inihayag na P10,000 Christmas bonus na naka-iskedyul na ipamahagi sa Disyembre 15. Maging ang mga contractual worker ay makatitikim din ng biyaya bilang resulta ng isang kautusan na pagkalooban din sila ng Christmas incentives ng gobyerno.

Sana nama’y sundan ito ng ilang pribadong sektor na bigyan ng 13th month tulad ng itinatadhana ng batas ang mga trabahador nang maaga nang maagang makapamili at makahanap ng murang mga bilihin.

o0o

PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang paggunita sa 148th birth anniversary ni Gat Andres Bonifacio kasabay ng panawagan sa mga kabataang estudyante na alamin para masundan ang adhikain ng bayani na tubong Tondo, Maynila.

Nanawagan din si Lim ng pagkakaisa at iwaksi ang inggitan at pagkakahiwa-hiwalay dulot ng pulitika. Sa panawagan niya, hinimok din ni Lim ang mga mag-aaral na alamin ang hirap na pinagdaanan ni Bonifacio at gawin itong isang inspirasyon at modelo sa paggabay sa kanilang kinabukasan.

Sana nga, makinig at sumunod ang mga kabataan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply