Seguridad sa LRT dodoblehin

MAHIGPIT ang ipinapatupad na seguridad ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa mga sumasakay ng kanilang tren upang matiyak na magiging ligtas at mapayapa ang biyahe ng mga pasahero ngayong Kapaskuhan.

Ayon kay LRTA Administrator Rafael Rodriguez, inatasan nila ang kanilang mga tauhan na mahigpit na magpatupad ng “no inspection, no entry policy” kasabay ng tagubilin na lahat ng mga bagahe na nakabalot ay kailangang masuri.

Ani Rodriguez ang paghihigpit ay nakabatay sa ipinatutupad na programang “Oplan Ligtas na Krismas” ng Department of Transportation and Communications (DOTC) upang hindi na maulit pa ang malagim na trahedya na nangyari may ilang taon na ang nakararaan nang may magtanim ng bomba sa tren ng LRT.

Nakatakda ring magtalaga ang LRTA ng mga train inspectors na magmo-monitor sa mga train drivers at sa aktibidad ng mga pasahero sa loob ng tren, habang magdaragdag naman ng magbebenta ng ticket kung kinakailangan.

Inihayag din ni Rodriguez, na ang pagsasara ng maagang operasyon ng kanilang Line 1 at Line 2 sa Disyembre 24 at Disyembre 31 ay dahil inaasahan na nila na kakaunti lamang ang pasahero sa naturang mga petsa batay sa naranasan nila sa loob ng limang taong mula noong 2006 hanggang 2010.

Sa inilabas na anunsiyo ng LRTA, ang huling biyahe ng kanilang Line 1 mula Baclaran hanggang Roosevelt Station, at maging ng Line 2 mula Recto hanggang Santolan ay hanggang alas-8:00 lamang ng gabi sa Disyembre 24.

Mas maaga naman ang huling biyahe ng kanilang Line 1 at Line 2 sa Disyembre 31 na hanggang alas-7:30 lamang ng gabi dahil sa inaasahang pagsalubong sa Bagong Taon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply